Latest News

Si Mayor Honey Lacuna kasama si UdM President Felma Carlos-Tria at Vice Mayor Yul Servo matapos magd-deliver ng kanyang state of the city address (SOCA) kung saan inihayag niya ang mga accomplishments ng UdM. (JERRY S. TAN)

MAYNILA BILANG TANGING LUNGSOD NA MAY 4 NA WORLD-CLASS LABS, IPINAGMALAKI NI MAYOR HONEY

By: Jerry S. Tan

Ipinagmalaki ni Mayor Honey Lacuna na tanging ang Maynila lamang ang nag-iisang lungsod sa buong National Capital Region o NCR ang nakapagtatag ng apat na world-class science laboratories para sa mga public school students.

Sa kanyang state of the city address (SOCA), nangako din siya na maglalagay pa ang lungsod ng mas maraming pasilidad hangga’t ang bawat isang distrito ay magkaron ng sariling high-tech science laboratories.

“Bukod-tanging tayo lamang sa National Capital Region o sa buong bansa ang nakapagpagawa ng apat na world-class science labs at madagdagan pa ito upang bawat distrito may kanya-kanya,” anang alkalde.

Ibinunyag din ni Lacuna na ang bagong pasilidad ay mapapakinabangan na rin ng mga mag-aaral sa malapit ng matapos na bagong gawang Manila Science, Albert at Manila High School, naa alinsunod sa kanyang planong pagkalooban ng pasilidad na tulad sa pribadong paaralan ang mga mag-aaral ng publikong paaralan sa Maynila.

“Bawat estudyante, dapat may oportunidad sa de kalidad na edukasyon,” pagbibigay-diin ni Lacuna.

Inanunsyo din ng lady mayor na magkakaroon ng mobile libraries kung saan dadalhin ang city government public library sa mga estudyante sa kanila mismong mga komunidad.

Ipinagmalaki din ni Lacuna na ang Universidad de Manila (UdM) na pinatatakbo ng pamahalaang-lokal ng Maynila sa ilalim ng Pangulo nitong si Felma Carlos-Tria, ay natamo na ang Level 1 accreditation mula sa Association of Local Colleges and Universities para sa 18 academic programs.

Ang UdM, dagdag pa ni Lacuna, ay patuloy na kinikilala bilang top performing criminal school sa NCR sa loob ng nakalipas na mga taon at palagian ring nangunguna sa passing rates sa licensure, nursing, physical therapy at law.

“Ito ay isang testament sa ating ibinabahaging layunin at mandato ng de kalidad na edukasyon tungo sa kahusayan sa akademya,”ani Lacuna.

Tags:

You May Also Like

Most Read