‘HALL of Famer’ na ang Maynila dahil sa masinop na pangongolekta nito ng mga locally-sourced revenues nito.
Ito ang buong pagmamalaking inihayag ni Mayor Honey Lacuna, kasabay ng kanyang pasasalamat sa City Treasurer’s Office (CTO) na pinamumunuan ni Jasmin Talegon, dahil sa narating umano ng lungsod ang nasabing estado at sa pamamagitan ng pagsisikap ng nasabing tanggapan na panatiliing maayos ang pananalapi ng lungsod.
Sa kanyang maiksing mensahe sa flagraising ceremony, pinuri ni Lacuna si Talegon dahil sa pagiging ‘pro-employee’ nito sa lahat ng oras , kasabay ng pagbanggit sa mga ginawa ni Talegon para sa benepisyo at kapakanan ng mga empleyado ng Maynila.
“Tayo ay hall of famer dahil sa kanilang masinop na pangungulekta ng pondo para sa ating lungsod… si Mam Jaz (Talegon) ay pro-employee, lagi nilang pinag-iipunan ang kapakanan at benepisyto ng bawat isang kawani ng lungsod,” ani Lacuna ukol kay Talegon..
Iniulat din ni Lacuna na ang pamahalaang-lokal ay ginagawa ang lahat ng posible upang ang lahat ng mga malilikom na pondo ay diretso sa kaban ng lungsod.
Ito, ayon sa alkalde ay malaking tulong sa kanyang administrasyon, partikular sa pag-pondo ng mga programa at proyekto ng pamahalaang- lungsod, pati na rin sa pagbibigay ng benepisyo sa libu-libo nitong empleyado.
Sa puntong ito ay hinikayat ni Lacuna ang lahat ng mga revenue-generating departments, offices at bureaus sa ilalim ng lokal na pamahalaan ng Maynila na tumulong na mapalago pa ang pondong napupunta sa city government.
Ang lungsod, ayon pa kay Lacuna, ay napakapalad sa pagkakaroon ng mga private entities na sumusuporta sa hangarin at mga programa ng Maynila.
“Napakaswerte natin dahil transparent ang pamahalaan, madami ang tumutulong sa atin. Sinisikap talaga natin na lahat ng maaring panggalingan ng pondo ay pumasok sa ating lungsod,” aniya,
“Sa ating munting kaparaanan ay malaki ang ating nakukulekta…maaring di sapat, pero malapit na.. pipilitin nating maging masinop sa pangungulekta ng buwis,” dagdag pa nito.














