MAGANDANG balita para sa mga senior citizens at PWDs ng Maynila.
Lumagda ng Memorandum of Agreement (MOA) ang pamahalaang-lungsod ng Maynila at ang personnel provider ng McDonald’s sa isang programa para sa hiring ng senior citizens at persons with disability (PWDs).
Ang nasabing agreement ay nilagdaan nina Manila Mayor Honey Lacuna at J&F Food Corporation Training Consultant Sofia Loriega, at nagsilbing witnesses sina Vice Mayor Yul Servo Nieto at Secretary to the Mayor Atty. Marlon Lacson, kasama rin si public employment service office head Fernan Bermejo.
Ayon kay Lacuna, “Libre ang medical requirements. Sagot ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang gastos para sa ‘Fit To Work’ medical certifications, physical exam, medical exam at laboratory tests. Kami na ang bahala. Gagawin ito ng Manila PESO. May procedure na sila para dito.”
Ang mga maha-hire na seniors at iba matatandang indibidwal ay magtatrabaho nang hindi hihigit sa apat na oras sa isang araw, sa shift sa umaga o shift sa hapon.
Ipagkakatiwala ss kanila ang mga sumusunod na tungkulin: order presenters, drink drawers, table managers, o guest relations staff. Magkakaroon din sila ng 13th month pay at service incentive leave at isasama sila sa group insurance ng kumpanya.
“Binabati ko ang McDonald’s sa kanilang mahusay na corporate social responsibility sa pagbibigay ng trabaho para sa mga nakatatanda at PWD sa kanilang mga branches sa Lungsod ng Maynila,” ani Mayor Lacuna.
Tatlong tauhang seniors or PWD ang iha-hire kada outlet ng McDonald’s sa loob ng Lungsod ng Maynila at lahat ng kwalipikado sa programa ay sasailalim sa pagsasanay.
“Upang matulungan ang mga nakatatanda at PWD, hiniling ko sa Manila Police na i-waive ang kanilang usual fees para sa pag-iisyu ng police clearance at magbukas ng courtesy lanes para sa mga nakatatanda at PWD na nag-a-apply para sa police clearance kaugnay sa pag-aaplay ng trabaho alinsunod sa memorandum of agreement,” dagdag pa ng alkalde.
Ang MOA, ayon kay Lacuna, ay naglalayong ire-integrate ang mga senior citizen bilang “productive members of society”.
Ang mga interesadong aplikante ay maaring mag-check sa Public Employment Service Office – City of Manila’s Facebook page.
Samantala, pinuri ni Senior Citizen Party-list Rep. Rodolfo Ordanes si Lacuna at ang kanyang administrasyon sa Manila City Hall sa patuloy na tagumpay sa pagbibigay ng mga oportunidad sa trabaho para sa mga senior citizen, iba pang matatanda at mga may kapansanan.
“Muling pinatutunayan ng nasabing MOA, na ang Maynila ay isang Capital City of Equal Opportunity sa Pilipinas. Kasama ko si Mayor Honey Lacuna sa pagpupuri sa McDonald’s sa pagbibigay ng trabaho sa mga kwalipikadong senior citizens, iba pang nakatatanda, at mga PWDs” ayon sachairman ng Committee on Senior Citizens sa House of Representatives.
“Naaalala ko rin at pinupuring muli ang Shakey’s, Sarisuki, at KFC sa Maynila sa pagpapatupad ng mga batas laban sa diskriminasyon ng ating bansa sa kanilang kumpanya,” ani Ordanes.
“Sa inspirasyon ng kanilang mga halimbawa, gagawa ako ng isang Senior Citizen Party-list award para kilalanin ang mga namumukod-tanging LGU, kumpanya, at organisasyon na mahusay na huwaran sa pagtataguyod ng mga karapatan, kapakanan, at proteksyon ng mga senior citizen,” dagdag pa ni Ordanes.














