HALOS 300 residente ng Maynila na dumaranas ng kanser at sumasailalim sa dialysis ang nabigyan ng tulong-pinansiyal ng pamahalaang-lungsod sa idinaos na regular na “People’s Day” sa Bulwagang Villegas sa Manila City Hall kamakailan lamang.
Ang nasabing tulong ay ipinagkaloob ni Manila Mayor Honey Lacuna, na isa ring doktora, kung saan personal din itong nakisalamuha sa mga pasyente upang kamustahin ang kanilang kondisyon at bigyan ng pagtitiyak na nakaagapay ang lungsod sa kanila kahit sa maliit na paraan lamang.
Ang ‘People’s Day’ ay isang programa na binuo ni Lacuna bilang daan upang makatulong sa mga cancer at kidney patients, na parehong nangangailangan ng mahal at matagal na gamutan. Daan-daan na ang nakinabang mula sa bawat programa na isinagawa at ang mga recipients ay inirerekomenda ng kani-kanilang mga barangay na kinabibilangan.
Bukod diyan ay tinitiyak din ni Lacuna na mabibisita niya nang personal ang mga matatandang ‘bedridden’ o nakaratay na. Kinakausap niya ang mga ito nang personal at inaabutan din ng tulong.
Si Lacuna ay palagiang sinasamahan rin ni Vice Mayor Yul Servo sa pag-iikot sa mga nakaratay, na kanilang ginagawa tuwing natatapos ang pagdaraos ng kanilang lingguhang “Kalinga sa Maynila” program kung saan naman ang mga pangunahing serbisyo ng lungsod ay ibinababa nang diretso sa mga komunidad.
Pinaglalaanan rin ni Lacuna ng oras ang paghahatid ng cash incentives para sa mga centenarians sa pamamagitan ng direktang pagbisita sa mga ito, sa kanilang mga tahanan mismo.