Pinangunahan ni Mayor Honey Lacuna ang pagpapasinaya sa mas pinagandang ‘Paraiso ng Batang Maynila’ na magbibigay sa mga residente ng Malate ng isang lugar kung saan maaari silang mag-relax at magpalipas ng oras.
Kasama ni Lacuna sa nasabing okasyon ang ilang personalidad na kinabibilangan nina Metro Manila Development Authority (MMDA) Acting Chairman Atty. Romando Artes, Vice Mayor Yul Servo Nieto, Father Domingo Asuncion ng Our Lady of Assumption Church, City Engineer Armand Andres at City Electrician Randy Sadac, Councilors Mon Yupangco at Charry Ortega.
Ani Lacuna, ang bagong bukas na ‘Paraiso ng Batang Maynila’ ay nagko-complement sa newly-rehabilitated din na Manila Zoo na nasa tapat lang ng nasabing parke.
“Pinasisinayaan natin ang proyektong ito ng pagsasaayos, pagpapaganda at pagpapaliwanag nitong Paraiso ng Batang Maynila, kung saan ay inayos ang mahigit sa 2,000 metro kuwadradong park,” sabi ng alkalde.
Nabatid na isa sa mga bagong features ng nasabing parke ay ang 200 meters jogging path, benches na nagsisilbing pahingahan o tambayan ng mga magbabarkada, iba’t-ibang ilaw at isang magandang landscape. Sa kasalukuyan, ang parke ay mayroon na ding playground areas, basketball court, garden at gazebos, lamp posts, bollards at fountain na pinaiilawan sa gabi.
Binigyang-diin ni Lacuna ang papel na ginagampanan ng mga parke sa pagtataguyod ng malusog na pamumuhay para sa mga residente na hinihikayat niyang gamitin ito nang husto.
“Ang ganitong mga parke ay makatutulong sa pagkakaroon ng malusog na pamumuhay ng ating mga kababayan dahil nakahihikayat ito upang mag-ehersisyo ang mga tao, magkaroon ng oras sa pamamasyal at pagpapahinga, nakapagpapabuti ng kaisipan at nagbibigay espasyo sa mga bata upang makapaglaro at makipag-ugnayan sa mga kapwa bata,”ani Lacuna.
Pinasalamatan din ng alkalde ang MMDA sa paglalaan ng pondo para sa nasabing proyekto na nagkakahalaga ng P20 million.
“Malaking tulong ito sa programa ng ating pamahalaang lungsod sa patuloy na pagsisikap natin na maisaayos ang lahat ng mga pasyalan dito sa buong Maynila,” saad ni Lacuna.
Ginamit na rin ng alkalde ang pagkakataon para manawagan sa mga barangay officials na nakakasakop sa nasabing parke at sa mga kalapit na barangay na tiyaking naaalagaan at napoprotektahan ito laban sa lahat ng uri ng vandalism o pambababoy.
Nanawagan din siya sa mga residente na makipagtulungan sa pamahalaang lungsod na mapanatiling malinis, maayos at maganda ang parke sa lahat ng oras.
Ayon kay Lacuna, ang pagbabagong-anyo ng “Bagong Paraiso ng Batang Maynila’ ay bahagi ng kampanya na makapagparami ng ng ‘open, green spaces’ para pakinabangan ng publiko sa gitna ng mainit na panahon.