BUONG-PAGMAMALAKING inanunsiyo ni Mayor Honey Lacuna ang pagwawagi ng Manila Basketball Team sa unang sabak nito laban sa Makabagong San Juan team sa ginanap na MMDA Cup basketball game sa Filoil EcoOil Centre, San Juan nitong Martes, May 21, 2024, kung saan nagtapos ang laban sa score na 90-77.
Itinanghal na “best player of the game” si Rommel Santos ng Park and Recreation Bureau (PRB), matapos makagawa ng 21 puntos, apat na rebounds at limang assists. Ang team ay pinamunuan ni Coach Ricky Alcantara at City Electrician Engineer Randy Sadac bilang captain ball.
Buong suporta ang ibinigay ni Lacuna sa Manila Team nang personal niyang panoorin ang kanilang laro, kasama sina Vice Mayor Yul Servo at Manila Sports Council (MASCO) head Roel de Guzman.
Bago at matapos ang laro ay naghuntahan naman sina Lacuna at San Juan Mayor Francis Zamora, na naroon din upang suportahan ang team ng kanyang lungsod.
Matapos ang laro ay agad na nagtungokaysi Zamora, na dati ring professional basketball player, sa kinauupuan ni Lacuna upang batiin ito sa pagkakapanalo ng team ng Maynila.
Napag-alaman kay Sadac na mayroong 30 teams ang maglalaban-laban sa MMDA Cup mula sa iba’t-ibang local government units sa Metro Manila.
Ani Sadac, ang Manila Team ay binubuo ng mga players mula sa iba’t-ibang tanggapan, departmento at kawanihan ng lungsod at sila ay haharap sa walo pang laban.
Nakatakda umanong makasagupa ng Manila Team sa Huwebes ang koponan mula sa Office of the President at ito ay gaganapin sa Marikina.