NAGPAHAYAG ng buong suporta at nakiisa ang lungsod ng Maynila sa paggunita ng 18-day Campaign to End Violence Against Women and their Children, kung saan nanawagan si Mayor Honey Lacuna sa lahat ng Manileño na ipagpatuloy ang pangangalaga sa mga kababaihan at mga bata hindi lamang 18 araw kungdi araw-araw.
Natuwa din si Lacuna na maging ang mga kalalakihan ay nakilahok sa “Manilenas’ Unity Walk for a Safe, VAW-free City Starts with Me” na pinangunahan ng mga babaeng opisyal at empleyado ng pamahalaang-lungsod ng Maynila.
Ayon kay Lacuna, anumang uri ng karahasan sa kababaihan at mga bata ay dapat na mahinto sa kahit na anong paraan.
Nauna dito, sinabihan ni Lacuna ang Manila Police District authorities sa isang forum na dapat na bigyan ng espesyal na atensyon ang mga rape cases dahil ito ay isang uri ng krimen na hindi katanggap-tanggap sa kanya.
Noong 2021, lumilitaw sa records ng Philippine National Police (PNP) na may 12,000 kaso ng VAW na naiulat.
Bilang isang babae, sinabi ni Lacuna na labis siyang nalulungkot na ang mga kababaihan at mga bata ay patuloy na nakakaranas ng pang-aabuso hanggang sa panahong ito.
Dagdag pa dito, nagpahayag din ng labis na pag-aalala si Lacuna para sa mga batang nakakaranas ng karahasan at pang-aabuso sa kamay mismo ng kanilang pamilya o mismong ama.
Hinikayat ng kauna-unahang alkalde ng Maynila ang lahat ng biktima ng ng pang-aabuso na humingi ng tulong sa pulisya at ‘wag mag-atubiling dalhin sa hustisya ang mga gumawa sa kanila ng pang-aabuso.
Ang nasabing kampanya ay inilatag ng Philippine Commission on Women at inilunsad na katuwang ang Inter-Agency Council on Violence against Women and their Children sa pag-asang mabawasan kundi man mabura ang lahat ng uri ng pang-aabuso laban sa kababaihan at pati na rin sa mga bata. (JERRY S. TAN)