MULING nagpaalala si Manila Mayor Honey Lacuna sa mga residente ng lungsod na ang deadline na itinakda ng lungsod para makakuha ng 20 percent discount sa real property tax payments ay sa December 10, 2024 o Martes na sa susunod na linggo at ayon sa alkalde, ang palugit ay hindi na palalawigin pa.
Ayon kay Lacuna, kaugnay nito ay bukas ang City Treasurer’s Office na pinamumunuan ni Jasmin Talegon at papasok ang kanilang mga kawani upang mag-trabaho sa Sabado, December 7, 2024 upang tumanggap ng mga hahabol sa deadline.
Sinabi ni Talegon na ang CTO ay bukas mula alas-9 ng umaga hanggang 4 p.m., kung saan ang mga real property taxpayers ay maaari pang makapag-avail ng 20 percent discount para sa tax year 2025.
Ani Talegon, maaaring magbayad sa pamamagitan ng pagpunta ng direkta sa Taxpayer’s Lounge sa Manila City Hall o sa pamamagitan ng Go Manila App.
Muling pinayuhan ni Lacuna ang publiko sa schedule ng mga discounts para sa real property tax sa taong 2025, kung saan ang advance payments ay maaring gawin ng property owners sa Maynila hanggang December 10, 2024 para makakuha ng 20 percent discount.
Ang mga payment na gagawin mula December 11 hanggang 29 ay may nakalaang 15 percent discount para sa mga property owners, habang ang mga magbabayad naman mula January 1 hanggang 31, 2025 ay may 10 percent discount .
Pinayuhan ng lady mayor ang lahat ng property owners sa Maynila na samantalahin ang nasabing diskwento para sa kanilang obligasyon sa buwis.
“Be reminded though, that only accounts without delinquencies will qualify of the said discounts,” pahayag ng alkalde.
Para naman sa mga updated accounts, maaring gawin ang pagbabayad sa online sa pamamagitan ng Go Manila app o www.gomanila.com, habang ang mga may delinquent accounts ay maaaring magbayad sa pamamagitan ng over-the-counter transactions sa E-BOSS center sa Manila City Hall mismo.