SERYOSONG kinukunsidera ngayon ni Mayor Honey Lacuna na muling gawing ‘mandatory’ o obligado ang pagsusuot ng face mask sa loob ng Manila City Hall.
Ayon kay Lacuna, ito ay bunsod ng tuloy-tuloy na pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa lungsod sa loob ng nakalipas na dalawang linggo.
Napag-alaman sa alkalde na sa loob ng nabanggit na panahon, ang positivity rate ay umabot sa 24. 43 percent na halos pareho lang sa buong National Capital Region at sa nakalipas na dalawang linggo din, ang local government ay nagsagawa ng libreng RT-PCR tests sa 131 indibidwal kung saan 32 ang nagpositibo.
“Ibig lamang sabihin na hanggang ngayon ay nandiyan pa rin si COVID kaya mag-ingat tayo at sundin pa din natin ang health protocols,”ani Lacuna.
Bunga nito ay sinabi ni Lacuna na balak niyang ibalik ang ‘mask mandate’ sa mga empleyado ng Manila City Hall, bilang pangunang hakbang kontra sa tumataas na bilang ng kaso ng COVID nitong mga nakadraang araw..
“Bakit ko gagawin ito? Sa Manila City Hall, araw-araw, mula Lunes hanggang Biyernes mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon ay napakadami pong naglalabas-masok o nag-aasikaso ng transaksyon kaya ito po ay ating gagawin bilang proteksyon nila at bilang proteksyon na rin ng mga empleyado na di na tumaas pa ang kaso,” paliwanag ni Lacuna.
Sa katunayan, ayon sa alkalde, may ilang tanggapan na sa City Hall ang nagpapatupad ng mask mandate at nauna pa sa kanyang direktiba.
Inutos din ni Lacuna ang distribusyon ng libreng face masks sa entrance gates ng City Hall para sa mga papasok dito at magta-transact sa kahit na anong tanggapan sa loob.
“Ipagpaumanhin nyo po dahil gusto lang namin kayong proteksyunan gayundin ang aming mga empleyado,” sabi ni Lacuna.
Hanggang tanghali nang May 11, ang bilang ng aktibong kaso ng COVID sa lungsod ay nasa 201 at 31 dito ay bagong kaso.
Sinabi ni Lacuna na ang kasama lamang sa bilang na ito ay ang mga sumailalim sa RT-PCR testing dahil ang mga nag-positibo sa antigen lamang, na sa bahay na lamang nag-isolate ng sarili at uminom ng gamot, ay di na umano naisasama pa sa official records ng lungsod.