Nanawagan si Mayor Honey Lacuna sa mga Manilenyo na panatilihing malinis ang kanilang paligid para palakasin ang turismo ng lungsod. (JERRY S. TAN)

Malinis na paligid, susi sa turismo ng Maynila — Mayor Honey

NANAWAGAN si Manila Mayor Honey Lacuna sa lahat ng mga residente at kawani na tumulong upang pasiglahin at paunlarin ang industriya ng turismo sa kabisera ng bansa at huwag makuntento lang na maging ‘stopover’ lang ang lungsod.

Ginawa ng lady mayor ang panawagan, matapos na masaksihan ang pagdating ng Silver Spirit, ang unang cruise ship na dumaong sa Maynila matapos na tamaan ng pandemya ang lungsod dalawang taon at kalahati na ang nakakaraan.


“Ito ay isang senyales na tunay na ngang bukas ang bansa para tanggapin ang lahat ng nais dumalaw at makitang muli ang kagandahan ng ating bansa,” sabi ni Lacuna.

Idinagdag pa ni Lacuna na malaking tulong sa turismo ng bansa at ng Maynila ang nasabing pagdaong ng Silver Spirit.

“Sinisikap natin na ang Maynila di lang maging stopover, na dadating lang ang turista tapos pupunta na sa ibang lugar, kungdi magtagal naman sana sila dito sa ating lungsod at madalaw ang magagandang lugar dito,” pagbibigay diin pa ni Lacuna.


Isa sa importanteng paraan upang maging kaanya-anyaya ang Maynila ay ang pagpapanatiling malinis ito, maging ang mga kasuluk-sulukan, ayon pa kay Lacuna.

Dahil dito ay muling inulit ng
alkalde ang kanyang panawagan na obserbahan ang kalinisan sa loob at labas ng tahanan.


Matatandaan na sa kanyang unang araw bilang alkalde ay nagpalabas ito ng Executive Order na nagtatakda sa tuwing araw ng Biyernes kada linggo bilang ‘Cleanup Day’ sa city government offices at barangays.

Patuloy din ang pagpapaalala ni Lacuna sa lahat ng Manileño na gawin ang bawat araw bilang ‘Cleanup Day’ upang matiyak na ang kapaligiran ay maging malinis sa lahat ng oras. (JERRY S. TAN)


Tags: Mayor Honey Lacuna

You May Also Like