UMAABOT na sa mahigit 88,000 katao ang direktang napagsilbihan at natulungan ng pamahalaang-lunsod ng Maynila sa pamamagitan ng programang ‘Kalinga sa Maynila’ na inilunsad ni Manila Mayor Honey Lacuna mula nang maluklok siya sa puwesto noong 2022.
Napag-alaman na nasa 600 barangay na rin ang nasakop ng programa at sa kasalukuyan ay araw-araw itong nagtutungo sa iba’t ibang barangay bilang bahagi ng pagsusumikap na maihatid nang direkta sa mga komunidad ang mga kinakailangan nilang serbisyo ng City Hall.
Nagpasalamat naman si Lacuna sa mga Manilenyo dahil sa patuloy nilang pagtangkilik sa ‘Kalinga’ program ng kaniyang administrasyon.
Mismong si Lacuna ang nangunguna sa bawat Kalinga ng Maynila at isinasama pa niya ang mga pinuno ng iba’t-ibang tanggapan, kawanihan at departamento upang matiyak na kaagad na matutugunan ang mga katanungan, reklamo, mungkahi at hiling ng mga residente, nang hindi na nila kinakailangan pang magtungo sa City Hall at gumastos ng pera at panahon.
Bukod dito, may mga stalls din na itinatayo sa ‘Kalinga’ ang mga naturang tanggapan upang tugunan ang mga pangangailangan ng mga residente.
Kasabay niyan ay nagdaraos rin ang city government ng job fairs, libreng pet vaccinations at pagtulong sa mga senior citizens, solo parents at persons with disability (PWD) na nais kumuha o mag-renew ng ID,bukod pa sa pagkakaloob ng tulong medikal sa mga residente at gayundin sa mga nais na kumuha ng birth at death certificates, at iba pa.
Ayon kay Lacuna, ang tagumpay ng nasabing programa ang nagtulak sa kanya upang magpatayo ng isang bago at modernong 10-palapag na ‘Kalinga Center,’ na magiging one-stop-shop center ng pangunahing City Hall social services.
Kamakailan ay isinagawa na ang groundbreaking ceremony para sa proyekto na itatayo sa Paco, Manila, na dinaluhan mismo ni Lacuna, kasama sina Vice Mayor Yul Servo at Congressman Irwin Tieng, na pinuri ng alkalde dahil sa pangakong pagsuporta sa proyekto.
Sinabi ng alkalde na ang lahat ng serbisyong iniaalok sa kanyang ‘Kalinga sa Maynila’ ay ipagkakaloob rin sa naturang center araw-araw.
Nabatid na ang Kalinga Center ay may total project cost na ?973.3 milyon, kung saan ang Phase 1 nito ay nagkakahalaga ng ?400 milyon at ang Phase 2 ay ?573.3 milyon naman ang halaga.
Binigyang-diin ni Lacuna na ang naturang center ay ipapatayo sa pamamagitan ng pondong nalikom ng lungsod at hindi sa pamamagitan ng utang.
Target umano nilang matapos ang Phase 1 ng proyekto sa Disyembre 2025, habang ang bidding para sa Phase 2 ay nakatakda sa Pebrero 2025.
Kabilang sa mga matatagpuan sa naturang center ang bagong Senior Citizens Affairs Office, Youth Center, Crisis Center for Women and Children, Trabaho center, modern public library, Bahay ng Barangayan Center, multipurpose convention center at isang performance art theatre.