UMABOT sa kabuuang bilang na 1,055 pamilya at pitong indibidwal ang inilikas sa Maynila sa kasagsagan ng bagyong ‘Kristine’.
Ayon kay Manila Mayor Honey Lacuna, ang bilang ay base sa ulat na ibinigay ni Manila department of social welfare chief Re Fugoso, na nagsabing ang mga apektadong pamilya at indibidwal ay pawang dinala sa iba’t-ibang evacuation sites sa lungsod.
Anang alkalde, ang mga ito ay binigyan ng pamahalaang-lokal ng mga pangunahing pangangailangan tulad ng modular tents, pagkain, hygiene kits at iba pa.
Kaugnay niyan ay pinasalamatan ng mga barangay chairman ng mga apektadong barangay si Lacuna sa maagap nitong pagtulong sa kanilang mga nasasakupan.
Binisita rin nina Lacuna at Fugoso ang mga evacuation sites upang alamin ang kanilang kondisyon.
Mismong si Barangay chairman Bubut Igus ng Barangay 20 na nakakasakop sa sa Isla Puting Bato at Parola sa Tondo ay nagpahayag ng personal na pasasalamat kay Lacuna dahil aniya sa mabilis na pagtulong ng pamahalaang-lungsod sa mga apektadong residente ng kanyang barangay.
Ayon sa consolidated report na mula sa tanggapan ni Fugoso, karamihan ng mga pamilyang kinailangang ilikas ay nagmula sa unang distrito ng Tondo na umabot sa 574 at dinala sa Delpan Covered Court, Green Building OVP Evacuation Center, Bldg. 3 evacuation center at barangay 105 covered court. Ang mga evacuees ay mila sa Barangays 128, 101, 20 at 105.
Sa District 2 naman na nasa Tondo rin, 39 pamilya mula Barangay 199, 200 at 194 at tatlong indibidwal ang dinala sa barangay halls at evacuation centers.
Sa District 3, may 136 pamilya at dalawang indibidwal mula barangay 275 ang dinala sa Delpan Evacuation Center, habang sa District 5, dalawang indibidwal at 39 pamilya mula sa Bgy 775 at 740 ang dinala sa multi-purpose hall at barangay hall.
Sa District 6, may 286 pamilya ang apektado na mula sa Barangays 598, 895, 894, 893, 607, 903, 897, 901, 902 at 606 ang dinala naman sa Likha at Damka Evacuation Centers, barangay halls, covered courts, multi-purpose halls, Cardinal Church at Baseco Atienza Elementary School.
Samantala, habang isinusulat ang balitang ito ay napag-alaman kay Fugoso na ang mga nasabing evacuees ay nagsisimula nang magsibalik sa kani-kanilang mga tahanan.