MATAPOS umanong tangkain na magpuslit ng shabu sa loob ng Antipolo City Jail sa Rizal, dalawang magkapatid na babae ang inaresto ng Antipolo City Police.
Itinatayang aabot sa P1.3 milyong halaga ng hinihinalang shabu na itinago pa sa maselang bahagi ng katawan ang na-recover ng pulisya sa dalawa na ngayon ay nakapiit habang inihahanda ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa kanila.
Ayon sa pulisya, ang dalawang suspek ay itinuturing na high value individuals (HVI) at nadakip dakong alas-4 ng hapon kamakalawa.
Bago niyan ay nakatanggap umano ng tip ang jail warden na may mga bisitang magtatangkang magpuslit ng droga sa loob ng nasabing bilangguan.
Napuna ng mga bantay na balisa ang magkapatid at kakaiba ang kilos kaya’t itinimbre ito sa pulisya.
Natagpuan sa loob ng ari ng dalawa ang isang condom na naglalaman ng may 250 gramo ng hinihinalang shabu at itinatayang nagkakahalaga ng P1,360,000.














