NANAWAGAN si Manila Mayor Honey Lacuna sa lahat ng Manila City Hall employees na panatilihing ang pagiging karespe-respeto habang ginagawa ang kanilang tungkulin sa araw-araw.
Ginawa ni Lacuna ang pahayag sa pagharap niya sa regular flagraising ceremony sa City Hall nitong Lunes ng umaga.
Kasama sina Vice Mayor Yul Servo-Nieto, Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) chief Zenaida Viaje at ang asawa nito na dating MTPB head na si Dennis Viaje, pinangunahan ng lady mayor ang Christmas gift distribution sa lahat ng MPTB personnel na naglilingkod sa lungsod.
Sa kanyang maikling mensahe , pinasalamatan ni Lacuna ang pagsisikap ng MPTB at DPS personnel sa kanilang araw-araw na gawain.
“Ipangako ninyong maayos ninyong gagawin ang inyong mga tungkulin. Gawin nating karespe-respeto, kapag ginagawa mo ang tungkulin nang tapat at malinis,” ayon sa lady mayor.
Idinagdag pa nito na: “Siyempre, di maiiwasan na me mga kasamahang nalilihis ng landas pero mas marami pa rin ang kahit mahirap ang trabaho eh ginagawa nang maayos.”
Sa kanyang bahagi, sinuportahan naman ni Servo-Nieto ang panawagan ng alkalde at sinabing anumang bagay ang kanilang gawin habang naglilingkod ay sasalamin sa pamahalaang lungsod.
Nanawagan din ang bise alkalde sa lahat ng city employes na huwag gagawa ng anumang bagay para maging dahilan ng reklamo laban sa kanila.
Kinahapunan naman nang pareho ding araw ay pinangunahan nina Lacuna at Servo-Nieto ang distribusyon ng Christmas gifts sa mga empleyado ng yes department of public services na pinamumumuan ni Kayle Nicole Amurao. Ang kanyang ama na si Kenneth Amurao, dating DPS chief, ay naroon din upang umalalay.
“Tiis-tiis lang. Pasensiya lang po ang kailangan nating baon araw-araw dahil hindi biro ang ginagawa ninyo. Pasensiya at tapat na paglilingkod ang kinakailangan natin,” dagdag pa ni Lacuna. (JERRY S. TAN)