“THE journey for the best public service in the field of medicine continues.”
Ito ang tiniyak ni Dr. Teodoro ‘Ted’ Martin, Director ng Gat Andres Bonifacio Medical Center (GABMC) na nagsisilbi sa mga residente ng unang distrito ng Tondo, sa Maynila, matapos siyang gawaran ng pagkilala ni Mayor Honey Lacuna para sa kanyang 30 taong dedikasyon sa serbisyo sa ginanap na “Gawad Pagkilala sa mga Kawani ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila” na isinagawa bilang isa sa mga tampok na aktibidad para sa nalalapit na pagdiriwang ng ika-453 ‘Araw ng Maynila’ sa June 24, 2024.
Si Martin ay pumasok ng city government service noong 1994 sa Ospital ng Tondo bilang hepe ng department of pediatrics.
Mula doon, nakilala ang kanyang galing at siya ay itinalaga bilang Director sa Ospital ng Tondo noong 2007.
Bumibilib ang noon ay Manila Mayor Fred Lim sa kalidad ng serbisyo ni Martin kung kaya’t hinirang niya ito bilang Director sa Ospital ng Maynila taong 2009.
Ito lamang ang tanging ospital na nagbibigay ng libreng serbisyo-medikal nang umupo si Lim bilang alkalde.
Nakita ni Lim na malaki ang maitutulong ni Martin kung kaya’t ginawa niya itong hepe ng isa sa limang karagdagang ospital na kanyang ipinatayo sa kanyang termino.
Matatandaang naglagay si Lim ng isang ospital kada distrito na lahat ay nagbibigay ng libreng serbisyo bilang karagdagan sa Ospital ng Maynila na nagsisilbi sa mga residente ng District 5.
Itinalaga ni Lim si Dr.Martin bilang direktor ng noon ay Justice Jose Abad Santos Mother and Child Hospital sa third district ng Maynila at doon, nagsilbi si Martin mula 2010 hanggang 2013 hangga’t sa napulitika siya at ini-assign sa Manila Health Department Training Department mula 2013 hanggang 2019.
Dahil sa naglalakihang accomplishment ng administrasyon ni Martin, naging isang ‘general hospital’ ang naturang ospital matapos pumasa sa pamantayan ng Department of Health at ito ngayon ay kilala na bilang Justice Abad Santos General Hospital o JASGEN.
Noong 2017, si Martin ay inilagay ni Mayor Isko Moreno bilang hepe ng ngayon ay Gat Andres Medical Center na para sa mga residente ng first district ng Tondo.
Nang si Mayor Honey Lacuna na ang umupo bilang alkalde, kinuha rin nito ang serbisyo ni Martin batay sa kanyang ‘track record of performance’.
Bilang director ng GABMC hanggang ngayon, nagawang pagandahin nang husto ni Martin ang serbisyo sa nasabing ospital, bagay na patuloy nitong ginagawa sa ngayon. Ang pagkakahirang kay Dr. Martin nina Mayor Lim, dating Mayor Isko Moreno at ngayon, ni Mayor Honey Lacuna mula 2022 hanggang sa kasalukuyan, ay matibay na patunay sa uri ng serbisyong ibinibigay ni Martin para sa mga taga-Maynila at lungsod.














