Nananawagan si Manila Mayor Honey Lacuna ang lahat ng mga business owners sa lungsod na mag-renew na ng kanilang business permits para iwas sa ‘last-minute rush’ at makakuha din ng diskwento.
Pinayuhan din ni Lacuna ang lahat ng mga negosyante sa lungsod na gamitin ang online payment system ng pamahalaang-lungsod para tipid sa oras, pagod at pera, sa halip na gagawin nila ang pagre-renew nang personal dahil maliban sa online system, sinabi ni Lacuna na maaari ding magbayad sa Manila City Hall o sa mga one-stop shop kiosks sa SM Manila.
Nauna riyan ay nagpa-brief si Lacuna kay Electronic Data Processing Services (EDP) Chief Fortune Palileo ukol sa pagset-up para sa nakatakdang business renewal operations sa nasabing mall.
Ayon kay EDP chief Palileo, ang iba pang Go Manila payment machines ay magiging available din sa Robinsons Manila, SM San Lazaro, at Lucky Chinatown para tumanggap ng cash payments para sa business permits at taxes. Idinagdag pa nito na ang iba pang payment para sa Go Manila services tulad ng health card payments ay magiging available na din sa machines sa apat na malls sa Maynila. Ang iba pang online payment at renewal ng business permit ay available din via Go Manila app sa www.cityofmanila.ph.
Nagbigay ng direktiba si Lacuna kay Bureau of Permits chief Levi Facundo na magpalabas ng advisory para paalalahanan ang business owners sa lungsod tungkol sa available na renewal systems na maari nilang gamitin.
Ayon naman kay Facundo, ang business permit renewals ay ‘fully-automated’ na, mula sa application hanggang sa pagbabayad at maging ang pagkuha ng statement of account hanggang sa resibo ng permit ay fully electronic na rin umano.
“All ancillary permits like barangay clearance and FSIC are already included, so there is no need to make a trip to these offices. Wala na rin pong delivery ng permits. What they see in their app in digital form can be printed and posted in their respective establishments,” dagdag pa nito.
Sinabi ni Facundo na para sa maagang magsisipagbayad hanggang January 20, 2023, may ten percent discount silang makukuha sa pamahalaang-lungsod base na rin sa utos ni Lacuna. (JERRY S. TAN)














