AABOT sa libo-libong mag-aaral, faculty members at manggagawa ng University of Santo Tomas (UST), pati na din medical staff, employes at pasyente ng UST Hospital, barangay workers at mga residente sa kahabaan ng A.H. Lacson Avenue ang makatitityak na ngayon ng mas ligtas na kalagayan kapag sila ay dadako sa nasabing lugar lalo na kapag gabi.
Ito ay matapos na pangunahan ni Mayor Honey Lacuna ang streetlighting sa A.H. Lacson Avenue, isa sa pangunahing kalye na nakapalibot sa nasabing unibersidad, kasabay ng pangako na ganito rin ang gagawin sa iba pang bahagi ng lungsod na madidilim.
Ang mga kinatawan ng UST pati na ang mga barangay officials sa Sampaloc sa pangunguna nina Evelyn de Guzman at Naning Ponce, ay dumalorin sa okasyon na pinangunahan nina Lacuna, Vice Mayor Yul Servo, City Engineer Armand Andres, City Electrician Randy Sadac and Manila City Councilors DJ Bagatsing, JTV Villanueva at Doc Louie Chua.
“Ito ay para sa mga mag-aaral, mga guro, mga pasyente na nagtutungo dito sa pinakamatandang unibersidad sa Pilipinas, ang University of Santo Tomas. Matagal-tagal na rin po nila itong hinihiling sa atin, dahil ilang taon na din pong napaka-delikado ng lugar na ito dahil napakadilim,” sabi ni Lacuna.
Pinasalamatan ng alkalde ang mga barangay officials na ayon sa kanya ay walang kapaguran sa pag-follow up ng kanilang request na pailawan ang lugar upang maging ligtas ito sa mga dumadaan o gumagamit ng naturang kalye.
Pinasalamatan nya rin ang ang malaking tulong nina Andres, Sadac at Meralco para sa katuparan ng kanyang plano na walang iiwang kalye, lugar o kasuluk-sulukan sa Maynila na madilim.
“Minabuti po ng inyong pamahalaan na once an for all ay mapailawan po itong lugar na ito nang sa gayon, ang lahat ng tumutungo sa lugar na ito ay makakasigurado na sila po ay ligtas, lalong-lalo na sa gabi,” sabi ni Lacuna.
Inanunsyo din ng alkalde na ang nasabing streetlighting ay isa lamang sa serye ng parehong aktibidad na nakalinya ng lungsod, kung saan paiilawan ang ilang bahagi ng lungsod na nananatiling madilim.
“Itong pagpapailaw natin ay unang bahagi pa lamang. Ito po ay buhat sa Espana hanggang Laong-Laan at susunod naman ay Laong-Laan hanggang Avenida at sa kabila, inako na po yan ng national government kaya sunod-sunod na po ang pagpapaliwanag natin di lamang dito kundi sa buong Kamaynilaan,” paninigyak ni Lacuna.
Ipinaliwanag din niya na nang isagawa ang streetlighting activity nitong Biyernes sa Binondo, partikular sa Juan Luna mula Muelle dela Industria hangganh C.M. Recto, ang pangunahing layunin nito ay upang palakasin ang turismo bukod pa sa pagbibigay ng kaligtasan sa mga motorista at pedestrian kapag dumadaan sila sa nasabing lugar.
Ang pagpapailaw naman ng Lacson Avenue, sa kabilang banda, ay upang siguruhin umano na ligtas ang mga mag-aaral, faculty members at hospital staff pati na ang mga pasyente na dadaan sa nasabing lugar kapag gabi.
Sinabi ni Andres na ang kahabaan ng A.H. Lacson mula Espana Boulevard hanggang Laong-Laan ay nilagyan ng kabuuang 86 lamp posts at 18 dito ay nilagay sa center island at tig-34 naman sa magkabilang kalyeng sakop ng Lacson Avenue. (JERRY S. TAN)














