PINANGUNAHAN nina Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo ang pagpapaaabot ng mainit na pagbati kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa kanyang ika-67 kaarawan ngayong Setyembre 13,2024.
Kaisa ang mga taga-Maynila at miyembro ng ruling party ng Maynila na Asenso Manileno ay nagpahatid din sina Lacuna at Servo ng pagbati at dalangin para sa patuloy na lakas, magandang kalusugan at ‘wisdom ‘ para sa Pangulo upang patuloy niyang gabayan ang bansa hanggang sa dulo ng kanyang termino.
Ayon sa alkalde siya ay kaisa ng mga nagdarasal para sa Pangulo upang mapagtagumpayan ang lahat ng kanyang programa na layuning mapabuti ang buhay ng mga Pilipino. Binigyang-diin din ni Lacuna na ang tagumpay ng Pangulo ay nangangahulugan ng maganda at masaganang hinaharap para sa bansa.
“Ang tagumpay ng Pangulo ay tagumpay nating lahat kaya suportahan natin siya,” saad ni Lacuna, kasabay ng kanyang panawagan sa bawat isa na magbigay ng buong kooperasyon at manatiling kaisa sa ilalim ng mga hakbangin ng Pangulong Marcos, Jr. upang madala ang bansa sa mas progresibong estado.
“Isang maligaya, mapagpala at makabuluhang kaarawan po sa inyo, Pangulong Marcos, Jr. Dalangin po namin ang inyong patuloy na lakas ng pangangatawan upang patuloy ninyong magampanan ang inyong tungkulin sa bansa at sa milyon-milyong mga Pilipino na umaasa sa inyo,” pahayag ni Lacuna.
Sa kanyang banda, sinabi naman ni Servo na ang liderato ng Maynila ay kaisa ng Pangulo sa pagbibigay- prayoridad sa mga less- privileged .
Hiling din umano ni Servo sa kaarawan ng Pangulo ang tagumpay sa pagtataguyod ng katatagan at pagkakaisa sa bansa.
Kapwa pinasalamatan nina Lacuna at Servo ang Pangulo dahil sa palagian nitong isinasama ang Maynila, sampu ng mga residente nito, sa mga tulong na ibinabahagi ng national government sa pamamagitan ng mga social programs nito.
Matatandaan na noong isang buwan lamang ay sumapi na si Lacuna sa national party Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD) na pinamumunuan ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez at sinabing ang kanyang pagsapi sa national party ay magpapalakas sa mga programa na inilatag ng kanyang administrasyon para sa mga residente ng Maynila.
Ayon kay Lacuna, sumapi siya sa Lakas-CMD “because its party principles and platform are perfectly aligned with mine and will ultimately be most gainful for all Manileños.”
Sa kanyang pagsapi sa pinakamalaking political party sa Congress at sa bansa, inaasahan din umano ni Lacuna ang iisang hakbang ng national at local government para suportahan ang “Agenda for Prosperity of President Ferdinand R. Marcos, Jr.” at ang pangarap ng Pangulo para sa ‘Bagong Pilipinas’.
Ayon naman kay Romualdez, mahalaga ang mga bagong miyembro,kabilang na si Lacuna , para sa pagpapalakas ng suporta ng partido sa mga programa at polisiya ng Pangulo.














