Latest News

Si Mayor Honey Lacuna kasama ang ilan sa mga inabutan ng tulong matapos masunugan. (JERRY S. TAN)

MABILIS NA TULONG SA NASUNUGAN, IBINIGAY NI MAYOR HONEY, VM YUL

By: Jerry S. Tan

“HUWAG na po tayong magsisihan pa… ang mahalaga ay unahin nating iligtas ang buhay kapag may sunog at sikapin nating makabangong muli.”

Ito ang mensaheng ipinahayag ni Manila Mayor Honey Lacuna sa mga pamilyang nawalan ng tirahan sa dalawang sunog na naganap nang magkasunod sa Tondo at Sta. Cruz nitong mga nakalipas na araw lamang.

Kasama ni Lacuna sina Vice Mayor Yul Servo at department of social welfare chief Re Fugoso nang mag-abot ng kailangang-kailangang tulong sa mga biktima ng sunog na naganap sa residential areas sa Barangay 106, District 1 at Barangay 353 in District 3.


“Ang pag-asang dala ng bawat tulong na ating binibigay ay patunay ng malasakit ng pamahalaan sa bawat pamilyang nangangailangan sa oras ng sakuna. Patuloy tayong magiging katuwang sa kanilang muling pagbangon. Anumang pagsubok, basta’t sama-sama, kaya natin ito,” anang alkalde.

Ayon kay Fugoso, bukod sa financial assistance na P10,000 sa bawat pamilyang apektado ng sunog ay nagbigay din sina Lacuna at Servo ng mga food boxes, relief goods, hygiene kits, grocery items at iba pang mga pangunahing kailangan.


Pinasalamatan din ni Fugoso ang mga nagbigay ng kanilang tulong kabilang na sina comebacking first district Congressman Manny Lopez, Councilors Marjun Isidro at Eugene Santiago, third district Congressman Joel Chua at Councilor Fa Fugoso.

Pansamantalang nanuluyan ang mga biktima ng sunog sa Andres Bonifacio Elementary School kung saan agad silang dinalhan ang mga portable tents para agad magamit nila.


“Sa gitna ng pagsubok, tinitiyak ng lokal na pamahalaan na walang maiiwan at bawat pamilyang naapektuhan ay may sapat na suporta,” ani Lacuna.

“Hindi man po malaki ang aming tulong na ibinibigay, ang mahalaga ay maramdaman ninyo na narito ang inyong lokal na pamahalaan na katuwang ninyo upang kahit paano ay makatulong ninyo sa muling pagbangon” dagdag pa nito.

Tags: Manila Mayor Honey Lacuna

You May Also Like

Most Read