Si Mayor Honey Lacuna na napagitnaan nina Vice Mayor Yul Servo at CGSO chief Leanie Sanding na siyang naging host ng flagraising ceremony sa Manila City Hall. (JERRY S. TAN)

MAAGANG PASKO PARA SA MGA EMPLEYADO NG MANILA CITY HALL, INANUNSIYO NI MAYOR HONEY

By: Jerry S. Tan

MAAGANG dumating ang Pasko para sa mga kawani ng pamahalaang-lungsod ng Maynila.

Ito ay matapos na ianunsiyo ni Mayor Honey Lacuna na simula ngayong linggong ito ay matatanggap na ng mga empleyado ng Manila City Hall ang kanilang 13th month pay.


Ang magandang balita ay inihayag ni Lacuna sa ginanap na flagraising ceremony sa city hall Lunes ng umaga, kung saan ang host ay ang tanggapan ni city general services office (CGSO) chief Leanie Sanding.

Ayon kay Lacuna, kahit na maraming obligasyon ang city government ay hindi maaaring kalimutan ang obligasyon nila para sa kanilang mga empleyado. Ang kasalukuyang administrasyon ay patuloy na nagbabayad sa P17.8 bilyong utang na ipinamana sa kanya ni dating Manila Mayor Isko Moreno.

“Alam nyo, kahit marami tayong obligasyong tinutupdan, ay hindi maaring hindi natin ibigay ang obligasyon ng pamahalaan sa bawat isang empleyado,” pahayag pa ng alkalde.


Kaugnay nito, hinikayat naman ni Lacuna ang mga empleyado na maging wais sa paggastos ng kanilang pinaghirapang pera at pasalamatan ang Panginoon dahil mayroon silang permanenteng trabaho.

“Isipin nating mabuti kung saan natin gugugulin ang tinatanggap nating biyaya. Napakahirap po talaga ng buhay ngayon. ‘Yan po ay napatunayan ko kahapon nung ako ay naglilibot sa mga evacuation centers ng mga kababayan nating evacuees. Kaya masuwerte pa rin po tayo, meron po tayong mga permanenteng trabaho, meron po tayong pinagkukuhanan ng iuuwi natin sa ating mga pamilya,” pahayag ng alkalde.


“Kaya po pakiusap ko lang po, mahalin natin ang ating gawain, maglingkod tayo ng tapat at totoo nang sa gayon naman po ay maramdaman din ng ating mga kababayan, lalo na po yung mga hirap sa kanilang buhay, na meron po silang isang pamahalaan na tunay na nagkakalinga sa kanila,” dagdag pa ni Lacuna.

Batay sa ulat ni City Treasurer Jasmin Talegon kay Lacuna, nasa 10,000 regular employees na nagtatrabaho sa Manila City government ang mapagkakalooban na ng 13th month pay at may karagdagan pang insentibo.


Samantala, pinuri ni Lacuna ang Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) sa pamumuno ni Arnel Angeles, dahil sa walang pahinga nitong paghahanda sa inaasahang paghagupit ni super typhoon ‘Pepito.’

“Maraming salamat sa MDRRMO na halos hindi na natulog nitong weekend para lang makasiguro na ang ating mga kababayan ay ligtas,” aniy Lacuna.



Tags: Mayor Honey Lacuna

You May Also Like