MAAGANG dumating ang Pasko sa may 8,500 na empleyado ng pamahalaang- lungsod ng Maynila.
Ito ay matapos ianunsiyo ni Mayor Honey Lacuna na sisimulan na sa loob ng linggong ito ang ‘payout’ ng 13th month pay at cash gifts para sa mga regular employees ng lungsod.
Sa kanyang mensahe sa regular na flag-raising ceremony nitong Lunes, nagpahayag rin ng pasasalamat si Lacuna kay City Treasurer Jasmin Talegon dahil lagi nitong sinisiguro na nasa oras ang mga benepisyo na para sa mga empleyado ng lungsod ng Maynila.
“Magpasalamat tayo sa maagap at ‘on time’ na pagbibigay ng kaligayahan sa lahat ng empleyado ng lungsod ng Maynila. Alam n’yo po, ang inyong pamahalaan ay talagang nagsisikap na maging masinop sa pondo ng ating lungsod,” pahayag ni Lacuna.
Napag-alaman na ang maagang na pamimigay ng benepisyo ay batay sa kahilingan ng alkalde upang maaga ring makapag-Christmas shopping ang mga empleyado ng lungsod.
“Dahil po sa ating pagsisinop, kung mapapansin ninyo, lagi po tayong ‘on time’ sa mga benepisyo di lamang ng mga senior citizens, PWDs, solo parents, mga mag-aaral ng UdM, PLM at Grade 12 students at siyempre, pati na sa sarili nating tahanan— ang mga emplyedo ng lungsod ng Maynila,” ani Lacuna.
“So, alam nyo na. Dapat ngayon at buong linggo ay masaya kayong maglingkod sa inyong nakakaharap sa araw-araw,” dagdag pa nito.
Samantala ay inanyayahan ng lady mayor ang publiko, lalo na ang mga taga-lungsod at mga opisyal at kawani ng Manila City Hall, na samahan ang city government sa pagsisimula ng Christmas celebration ngayong buwan.
Hinikayat ni Lacuna ang publiko na sumama sa pagpapailaw ng higanteng Christmas tree at lantern na gagawin sa Biyernes, (November 17, 2023) sa Kartilya ng Katipunan sa likod ng Bonifacio Shrine na nasa tabi lamang ng Manila City Hall.
” Iniimbitahan ko po kayo sa Biyernes, sa atin pong taunang Christmas tree and lantern lighting na magaganap po dito sa Kartilya ng Katipunan, alas-6 ng gabi. Kung wala naman po kayong importanteng pupuntahan, sana po ay masaksihan ninyo at maging bahagi kayo ng ating pag-iilaw ng ating Christmas tree,” pahayag ni Lacuna.














