LUBOS-LUBOS na pasasalamat ang ipinahayag nina Manila Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. dahil sa personal nitong pagtulong sa mahigit 2,000 pamilyang nawalan ng tirahan bunga ng sunog sa napaka-mataong lugar ng Isla Puting Bato saTondo. Samantala ay inumpisahan na rin nina Lacuna at Servo ang pamamahagi ng Christmas food boxes sa may 700,000 pamilya sa lungsod.
“Mahal naming Pangulo, sa ngalan po ng buong barangay ng Isla Puting Bato, maraming maraming salamat po sa inyo. Sana po ay ‘wag kayong magsawa sa pagtulong sa aming mga Manilenyo,” mensahe ni Lacuna kay Pangulong, Marcos, Jr.
“Ang Lungsod po ng Maynila ay taos-pusong nagpapasalamat sa mabilis at malasakit na hakbang na ginawa ng inyong pamahalaan sa pagbigay ng tulong sa aking mga kababayan na nawalan ng tahanan at ari-arian. Nawa’y magpatuloy pa ang inyong magandang serbisyo para sa kapakanan ng bawat isa sa ating bansa,” saad pa ng alkalde bilang pasasalamat sa national government assistance na mismong ang Pangulo ang nanguna sa pamamahagi sa mga nasunugan..
Kasama nina Panguilong Marcos at Lacuna sa nasabing pamamahagi ang iba pang national at local officials sa pangunguna ni Department of Social Welfare (DSWD) head Rex Gatchalian, Servo, comebacking first district Congressman Manny Lopez at Manila city councilors. Sila ay namigay ng iba’t-ibang klase ng tulong gaya ng food packs, cash at iba pa.
Mensahe naman ni Lacuna sa mga nasunugan :”Palagi ko po sinasabi, na basta para sa inyo, kahit ipanghingi ko pa kayo, hindi ako mahihiya. At gaya ng sinabi ko nung una kaming magbaba ng tulong, babalik kami.”
Samantala, sa pagsisimula ng ’12 Days of Christmas’ ng pamahalaang lungsod nitong Linggo sinabi ni Lacuna na: “Napakaraming pagsubok dinaanan natin ngayong taon, maya’t-maya may bagyo, kaliwa’t-kanan ang sunog, pero hindi maaring hindi maibigay sa inyo ang napakasimpleng Pamaskong Handog para sa bawat pamilyang Manilenyo.”
“Gusto namin, meron kayong pagsasaluhan sa Pasko…sana ay pagdamutan ninyo ang aming munting nakayanan ngayong taon. Sama-Sayang Kapaskuhan sa bawat pamilyang Manilenyo!” dagdag pa nito..
Ang mga nasabing food boxes ay naglalaman ng limang kilo ng bigas, pasta at sauce, keso, gatas, mga de latang mixed fruits at corned beef.