INIHAYAG ni Manila Mayor Honey Lacuna na mababa umano ang bilang ng health workers na nag-avail ng bivalent vaccines.
Sinabi ni Lacuna sa monthly forum ng Manila City Hall Reporters’ Association (MACHRA), ang “MACHRA’S Balitaan” na ginanap sa Harbor View Restaurant, na ang allocation na 32,000 doses ng bivalent vaccines mula sa national government ay napakaliit lamang pero gayunman ay kakaunti pa rin ang nagpaturok na health workers.
Matatandaag kamakailan lang ay pinangunahan ni Lacuna ang rollout ng bivalent vaccines sa Sta. Ana Hospital kung saan siya mismo ang nagbakuna kay hospital director Dr. Grace Padilla at iba pa.
Lumilitaw, ayon kay Lacuna, na isa ring doktor, na marami sa medical health workers ay wala pang first at 2nd booster na siyang rkailangan para maturukan ng bivalent vaccine.
Ipinaliwanag niya na ang bivalent ay itinuturing bilang third booster at dahil dito, kailangan na magkaroon muna ng first at second booster shots bago maturukan ng third booster.
Ayon pa sa lady mayor, siya at ang mga health cluster ng lungsod ay nag-uusap na magbibigay sila ng palugit na isang linggo at pagkatapos ay ibibigay na nila ang mga bakuna sa senior citizens na kabilang din sa priority groups.
Ang pagluwag ng restriksyon sa health protocols ang dahilang iniisip ng alkalde sa kawalan ng interes na magpaturok ng bivalent shots, bukod pa sa tuluyang pag-alis ng public health emergency status ng World Health Organization.
Samantala, sinabi pa ni Lacuna na nananatili ang ‘open policy’ ng city government ng Manila para sa mga gustong magpaturok ng bivalent vaccine na hindi taga-Maynila basta sila ay kabilang sa aprubadong qualified groups.
Samantala, umaapela ang lady mayor sa lahat ng health frontliners na mag-avail na ng bivalent gaya niya, dahil makapagbibigay umano ito ng karagdagang proteksyon sa kanilang pamilya, pasyente at sarili TAN)














