Latest News

Sina Manila Mayor Honey Lacuna at MNC Director Yayay Castaneda habang pinag-uusapan ang pagbibigay ng libreng sakay sa mga senior citizens, PWDs at buntis. (JERRY S. TAN)

LIBRENG SAKAY SA SENIORS, PWD AT BUNTIS SA MANILA NORTH AT SOUTH CEMETERIES, INIUTOS NI MAYOR HONEY

By: Jerry S. Tan

INIATAS ni Manila Mayor Honey Lacuna ang pagkakaloob ng libreng sakay para sa mga senior citizens, persons with disability (PWD) at mga buntis na bibisita sa Manila North Cemetery (MNC) at Manila South Cemetery (MSC) sa panahon ng ‘Undas’.
Ayon kay Lacuna, magpapakalat ang pamahalaang-lungsod ng mga e-trike sa mga gate ng naturang dalawang sementeryo, upang matulungan ang mga senior citizen, PWDs at buntis, na mas madaling makarating sa mga dadalawing puntod.

Hindi muna papayagang makapasok sa mga sementeryo ang ibang uri ng sasakyan mula Oktubre 30 hanggang Nobyembre 3, habang suspendido rin muna ang paglilibing at cremation sa mga naturang araw.

Ani Lacuna, ‘off limits’ rin ang anumang political activities sa mga sementeryo upang matiyak ang taimtim na paggunita sa Undas at tanging ang mga local government tents at tarpaulin lamang din ang papayagang mailagay sa loob ng mga sementeryo.


Inatasan din ni Lacuna si Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) chief, Arnel Angeles na mag-poste ng ambulansiya at personnel sa mga sementeryo, upang mabilis na makatutugon sakaling magkaroon ng emergency.

Si Manila Health Department (MHD) chief Dr. Poks Pangan naman ay naatasang tiyakin na nakaalerto ang anim na district hospitals sa lungsod sa Undas at maghanda ng kanilang mga doktor at medical personnel sa mga sementeryo.


Magpapakalat naman si Manila Department of Social Welfare (MDSW) chief Re Fugoso ng mga tauhan na siyang maglalagay ng tag sa mga batang kasama ng kanilang mga kaanak na dadalaw sa sementeryo, upang madali silang ma-locate sakaling mawala o maligaw ang mga ito.

Ang mga vendors at alagang hayop ay hindi rin pahihintulutan sa loob ng mga sementeryo.


Ayon kay MNC director Yayay Castaneda, normal nang umaabot sa milyon ang mga nagpupunta sa MNC, bilang pinakamalaki sementeryo sa bansa.

Ang MNC at MSC ay bukas sa Undas mula alas-5 ng umaga hanggang alas-7 ng gabi lamang.

Tags: Manila Mayor Honey Lacuna, MNC Director Yayay Castaneda

You May Also Like

Most Read