Latest News

Mayor Honey Lacuna leads the citywide tree-planting activity which is one of the activities that lead up to the "Araw ng Maynila" celebration on June 24. (JERRY S. TAN)

LIBRENG CONCERT, TRABAHO, TREE-PLANTING PARA SA ARAW NG MAYNILA

By: Jerry S. Tan

Isang libreng konsiyerto ang inihandog ng Manila City Government para sa mga Manilenyo nitong Biyernes, na kinatatampukan ng “Unkabogable Star” na si Vice Ganda, bilang bahagi ng monthlong celebration ng founding anniversary ng Maynila sa Hunyo 24.

Ang naturang free concert, na tinawag na “UNKABOGABLE MAGNIFICENT CONCERT SA MAYNILA,” ay isinagawa sa Kartilya ng Katipunan, sa tabi ng Manila City Hall.

Inorganisa ito ng Department of Tourism, Culture and Arts of Manila na pinamumunuan ni Charlie Dungo.


Bukod kay Vice Ganda, kasali rin sa concert ang iba pang performing artists na sina Mc Muah and Lassy at Six Part Invention.

Samantala, nitong Biyernes rin, nagdaos ang Public Employment Service Office (PESO) na pinamumunuan ni Fernan Bermejo ng “SERBISYO CARAVAN JOB FAIR” mula 9:00AM hanggang 5:00PM sa Brgy. 103, Romana St., Zone 8, District 1, Tondo, Manila.


Bukod dito, nagkaroon din ng city-wide tree-planting activity na pinangunahan mismo ni Lacuna sa Arroceros Forest Park, na kilala din bilang ‘last lung’ of the city.

Nauna dito, ang alkalde, kasama ang ibang city at barangay officials, ay nanguna sa cleanup activities na sabay-sabay na ginawa sa iba’t-ibang lugar sa lungsod.


“Laging tatandaan na ang ating kapaligiran ay nagpapakita rin ng kalagayan ng ating mga sarili, kung kaya’t lagi natin itong pahahalagahan,” anang alkalde.

Nanawagan rin siya sa lahat ng Manilenyo na gawin ang paglilinis ng kapaligiran araw-araw.

Samantala, ang premiere night ng five official entries para sa Manila Film Festival 2023 ay ginawa sa SM Manila cinemas.

Ang Manila Film Festival 2023 Grand Parade of Entries ay ginawa din sa pamamagitan ng pagparada ng mga floats sa mga itinakdang ruta nito.

Layunin ng festival na itanghal ang malawak at iba’t-ibang uri ng mga lokal na pelikula na ginawa ng mga estudyante mula sa iba’t-ibang pamantasan, kung saan ang mga winning entries ay mula sa Colegio de San Juan de Letran, Arellano University – Pasig, Adamson University, University of the Philippines at University of Makati.

Ang limang official entries para sa The Manila Film Festival ay ang mga: The Uncanny, Unspoken, The Adventures of Kween Jhonabelle, Thanks for the Broken Heart at CTRL-F-ESC.

 

Tags: Mayor Honey Lacuna

You May Also Like

Most Read