PANGUNGUNAHAN mismo nina Manila Mayor Honey Lacuna at Congressman Irwin Tieng (5th district) ang groundbreaking ceremony para sa itatayong Manila Cancer Center sa darating na Hunyo, kung saan makakakuha ang cancer patients ng libreng serbisyo.
Inihayag ni Tieng sa pagdalo niya sa MACHRA Balitaan forum ng Manila City Hall Reporters’ Association (MACHRA) na bukod sa alkalde, inaasahan ding dadalo din si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, ang mga senior officials ng Kongreso at iba pang Congressmen at opisyal ng Maynila.
Ang nasabing center na magiging kauna-unahan sa lungsod, ay magbibigay ng mga kinakailangang serbisyo para sa mga dumaranas ng cancer nang walang dapat na barayan ang mga pasyenteng magtutungo doon.
Pinapurihan ni Tieng si Lacuna sa paglalaan nito ng 2,000 square meters na lote para sa itatayong limang palapag na center sa loob ng compound ng Ospital ng Maynila.
Ani Tieng, ang MCC ay ipapangalan sa yumaong Governor Benjamin ‘Kokoy’ Romualdez, ama ni Speaker Romualdez. Ang OM ay isa sa anim na pampublikong ospital na pinapatakbo ng pamahalaang lokal ng Maynila na pawang nagbibigay ng libreng serbisyong medikal para sa mga residente ng lungsod..
Sinabi ni Tieng na dahil ang pondo para sa MCC ay hindi naman ‘unlimited’, una munang ilalagay ang CT scan at isang linear accelerator upang mabigyan ang mga pasyente ng ‘non-invasive radiation therapy.’
“Libre po siya sa lahat ng Manilenyo,” ani Tieng.
Nagpahayag naman ng pasasalamat si Lacuna kay Tieng sa proyektong MCC na para sa mga may sakit na cancer na hindi kayang tustuan and kanilang sakit.
Mahalaga umano kay Lacuna ang mga proyektong nakasuporta sa pagsisiklap ng kanyang administrasyon na makapagbigay ng mas malawak na libreng health services para sa mga mahihirap na taga-Maynila.














