Latest News

Si Mayor Honey Lacuna kasama si Manila Health Department chief Dr. Arnold 'Poks' Pangan kung saan iniimbitahan ng alkalde ang lahat ng may alagang aso at pusa para sa libreng anti-rabies vaccination sa lungsod. (JERRY S. TAN)

LIBRENG BAKUNA SA ANTI-RABIES, GAGANAPIN SA MAYNILA SA HUNYO 22

By: Jerry S. Tan

Pinayuhan ni Mayor Honey Lacuna ang mga ‘fur parents’ na residente ng Maynila na pabakunahan nang libre ang kanilang mga alagang aso at pusa sa anti-rabies vaccination na idaraos sa Sabado, Hunyo 22, 2024.

Ayon kay Lacuna, ang naturang vaccination program ay joint effort ng Manila City govenment, JCI Manila at ng Veterinary Inspection Board (VIB) ng Maynila.

Layunin umano ng nasabing programa na matiyak ang kaligtasan ng mga alagang hayop at pusa, higit lalo ang mga miyembro ng komunidad, laban sa rabies.

Isasagawa umano ang naturang programa mula 8 a.m. hanggang 11 a.m. sa Canonigo Basketball Court sa Pres. Quirino Extension sa Paco, Maynila.

Bukod sa pagbabakuna, mamimigay rin umano ang lokal na pamahalaan ng mga giveaways, gayundin ng mga flyers, na naglalaman ng mga impormasyon hinggil sa tamang paraan ng pag-aalaga sa aso o pusa, paano sila mapapanatiling malusog at mga tamang gawin sakaling makagat o makalmot ng hayop.

Binigyang-diin ni Lacuna, na isa ring doktor, ang kahalagahan ng paga-avail ng libreng anti-rabies vaccination para sa ‘fur babies’.

Paliwanag ni Lacuna, ang rabies ay nakamamatay at maaaring maihawa ng hayop sa tao.

Aniya, kung bakunado ang alaga ay protektado rin sila laban sa rabies at magiging mas malusog at aktibo rin ang mga ito.

Hinikayat ng alkalde ang mga residente na makipagtulungan sa kanila upang matiyak na ang lahat ng alagang hayop sa lungsod ay bakunado.

Maaari rin naman aniyang magtungo sa mga health centers na pinangangasiwaan ni Manila Health Department chief Dr. Arnold ‘Poks’ Pangan upang makapag-avail ng libreng anti-rabies vaccination.

Tags: ,

You May Also Like

Most Read