Hinihimok ni Mayor Honey Lacuna ang mga residente na pabakunahan ang mga bata nang libre laban sa polio sa mga health centers sa Maynila na nasa ilalim ng pangangasiwa ni Manila Health Department chief Dr. Poks Pangan. (JERRY S. TAN)

Libreng anti-polio na bakuna sa mga bata, alok sa health centers ng Maynila

By: Jerry S. Tan

Hinihimok ni Mayor Honey ang mga taga- Maynila na pabakunahan ang mga kasama nilang bata sa bahay laban sa polio dahil libre umano itong ibinibigay sa lungsod hanggang sa Mayo 15.
Nanawagan si Manila Mayor Honey Lacuna sa mga magulang, lolo at lola at maging sa guardians na dalhin na ang kanilang mga anak o alaga sa pinakamalapit na health centers at pabakunahan ang mga ito laban sa polio nang walang anumang dapat bayaran.

Inatasan din ni Lacuna ang mga barangay officials ng Maynila na hikayatin ang kanilang mga nasasakupan na samantalahin ang libreng polio vaccines na ipinamamahagi ng city government, sa pamamagitan ng 44 health centers nito na pinamumuan ni Manila Health Department (MHD) chief Dr. Arnold ‘Poks’ Pangan.


Napag-alaman kay Pangan na sinimulan ng city government ang pamamahagi ng libreng polio vaccines noong Abril 15 at ito ay magtatapos sa Mayo 15, 2024.

Ayon kay Pangan, ang mga maaaring turukan ng naturang bakuna ay mga batang edad 59 buwang gulang lamang pababa o limang taong-gulang pababa.

Dagdag pa ni Pangan, bagamat pinapayagan naman ang mga ‘walk-in’ na pasyente ay mas mabuti umano kung magpa-appointment online kung nais mag-avail ng bakuna upang magkaroon ng data ang lungsod na maaring magamit kung pupunta muli ang pasyente sa health center o kinakailangan silang i-refer sa ospital.


Kaugnay niyan ay hinihikayat ni Lacuna ang mga residente na bisitahin ang health centers ng lungsod upang matukoy ang mga libreng primary health care services na ipinagkakaloob sa mga ito.

Nagpaalala din si Lacuna sa mga residente na huwag nang hintayin pang lumala ang kanilang karamdaman bago magpunta sa center at magpatingin.


“Prevention is always better than cure. Tangkilikin ninyo ang ating mga health centers. Pabakunahan po ninyo ang inyong mga anak, apo o alaga,” ani Lacuna.

“‘Wag na po kayong makipagsiksikan sa ospital, kung matutugunan naman ng health center ang inyong problema. Sila po ang magsasabi kung kailangang sa ospital kayo magpunta,” dagdag pa ng alkalde.


Aniya, ang health center ang siyang magre-refer sa alinmang ospital na malapit sa pasyente kapag ang kanyang sakit ay di kayang lunasan sa health center kung saan siya nagtungo.

Tags: Mayor Honey Lacuna

You May Also Like