Sinuspindi ni Mayor Honey Lacuna ang lahat ng antas ng klase at trabaho sa Maynila nitong Huwebes, Agosto 31, dahil sa masamang lagay ng panahon at base sa rekomendasyon ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) na pinamumunuan ni Arnel Angeles.
Suspendido ang klase sa lahat ng levels, public, private, face-to-face at online at kanselado rin ang trabaho sa Manila City Hall, kabilang ang mga satellite offices, maliban na lamang sa mga departmento at tanggapan na bahagi ng disaster and emergency response.
Sa kaso ng mga pribadong kumpanya, ang kanselasyon ng pasok ay nakasalalay na sa kanilang employers o may-ari ng kumpanya.
Kaugnay pa nito, sinabi ng spokesperson ni Lacuna na si Atty. Princess Abante na ang mga biniling tiket para August 31 admission sa Manila Zoo ay maaari pa ring gamitin sa loob ng isang linggo dahil kinansela rin ang zoo operations ngayong Huwebes.
Nag-ikot at binisita naman ng alkalde ang mga binahang lugar, gayundin ang kundisyon ng mga commuters. Inatasan niya rin si Angeles na magpatupad ng libreng sakay upang masundo at maihatid ang mga stranded na mga pasahero dahil sa lakas ng ulan at baha.
Maraming bahagi ng lungsod ang gutter-deep ang lalim ng tubig na naging sanhi ng traffic, partikular sa Sampaloc at Ermita areas, kabilang na dito ang P..Noval,
P. Faura corner Taft Avenue, Ayala Blvd., Quezon Blvd corner P. Campa, Kalaw corner Taft Ave., PGH, Pedro Gil corner Taft Ave., Magsaysay Blvd. corner Dela Fuente St., Oroquieta corner Fugoso St.,Felix Huertas corner Laguna St. at Leonor Rivera Street.
Hanggang 9 -10 a.m., ang España corner Dela Fuente Street ay di na madaanan ng mga sasakyan.
Kaugnay niyan ay nanawagan si Lacuna sa lahat na kung wala namang importanteng gagawin sa labas ay manatili na lamang sa loob ng bahay.














