Pinaalalahanan ni Manila Mayor Honey Lacuna ang lahat ng kawani ng Manila City Government na mayroon na lamang silang hanggang Hulyo 28, 2023 upang sumailalim sa mandatory drug testing upang makaiwas sa posibleng kasong “insubordination.”
Ipinaliwanag ni Lacuna nitong Martes na ang mandatory random drug testing ay alinsunod sa memorandum na inisyu ng Civil Service Commission (CSC), na siyang central personnel agency ng pamahalaan, at responsable sa mga polisiya, plano at programa kaugnay ng lahat ng civil service employees.
Ayon sa alkalde, ang direktiba ng CSC ay ipinatutupad sa City Hall nang walang gastos ang mga city government employees.
Matatandaang ang naturang drug testing sa city hall ay sinimulan noong Hulyo 10, 2023 at mismong sina Lacuna at Vice Mayor Yul Servo ang nanguna dito.
Sinabi ni Lacuna na, “Ito po ay patuloy nating isinasagawa sa lahat ng kawani. Mahigit sa 8,000 drug testing kits ang meron sa atin kaya lahat ng empleyado ay pwedeng magpa-random drug testing. Nauna na po ang inyong lingkod at si Vice Mayor Yul Servo-Nieto at siyempre, ang mga department heads.”
Dagdag pa ng alkalde, “Ito po ay ginagawa natin para i-promote ang ligtas at drug-free working environment dito sa loob ng City Hall.”
Aniya, ang mga empleyadong mabibigong sumailalim sa pagsusuri ay padadalhan ng memo at pagpapaliwanagin kung bakit hindi sila nagpa-drug test.
“Kaya po sinasabi ho namin, ipinaaalala sa lahat na kinakailangan ninyong magpa-drug test kasi po ang lahat ng di nagpapa-test ay ating bibigyan ng memo to explain bakit di kayo nagpapa-drug test. Batayan ito ng insubordination kasi dapat sinusunod natin dahil mandatory yan. Kung wala kayong dapat ikatakot, magpa-drug test kayo,” pahayag pa ni Lacuna.
Binigyang-diin pa ng alkalde na bilang public servants, ang mga city officials at employees ay dapat na magsilbing modelo sa mga mamamayan, sa pamamagitan ng pag-iwas sa bisyo, lalo na sa illegal drugs.
Samantala, ang mga magpopositibo naman sa paggamit ng ilegal na droga ay isasailalim sa confirmatory testing at kung makumpirmang gumagamit nga ng ilegal na droga ay isasailalim sila sa rehabilitasyon ang mga ito.