Latest News

SI Mayor Honey Lacuna habang pinupuri ang mga kawani ng Maynila bilang haligi ng lungsod. (JERRY S. TAN)

KAWANI NG LUNGSOD BILANG HALIGI NG PAMAHALAANG MAYNILA, KINILALA NI MAYOR HONEY

By: Jerry S. Tan

Kinikilala ng pamahalaang -lungsod ng Maynila ang mga kawani nito bilang haligi at pinagkukunan ng lakas ng pamunuan.

Ganito inilarawan ni Mayor Honey Lacuna ang mga kawani ng local government ng Maynila, kasabay ng pagtitiyak na pantay-pantay at makatarungan ang proseso sa pagpili at promosyon ng bawat isa .

Sa kanyang unang taon bilang alkalde ng lungsod, sinabi ni Lacuna na ang nasabing polisiya ay pinairal at ang mahalagang papel na ginagampanan ng Local and City Promo Board ay binigyan ng angkop na pagkilala.

“Kinikilala natin ang mahalagang papel ng Local at City Promo Board sa pagrerekomenda ng mga karapat-dapat na mga kawani sa lokal na pamahalaan. Hindi kailangan ng impluwensiya ng tanggapan ng punong lungsod o nang kung sino man,” pagtitiyak ng lady mayor.

Idinagdag pa ni Lacuna na: “Pinuhunanan natin ng atensyon ang ating mga kapwa kawani sapagkat higit kanino man, sila ang kasa-kasama natin sa bawat araw ng ating paglilingkod. Sila ang tunay na lakas ng pamahalaang lungsod.”

Ito, ayon sa kanya ang dahilan kung bakit sa unang araw niya sa tanggapan ay personal niyang binisita ang iba’t-ibang tanggapan sa city hall upang alamin ang kondisyon at sitwasyon ng mga kawani na umookupa nito.

“Ipinadama natin ang pagkalinga sa ating mga kapwa lingkod-bayan sa pagbibigay-halaga sa kaayusan at kalinisan ng bawat tanggapan. Malaki ang paniniwala natin na sa pagiging maayos at malinis, nagiging maayos din ang takbo ng ating isip, maaliwalas ang pakikitungo natin sa lahat at epektibo tayo sa pagtupad ng ating tungkulin,” saad ni Lacuna.

“Isinakatuparan natin ang pagkakaroon ng lingguhang paglilinis sa loob at labas ng bawat opisina. Patuloy tayong nagpapatupad ng Friday Clean Up hindi bilang proyekto kundi bilang disiplinang magandang makasanayan ng bawat kawani ng pamahalaan,” dagdag pa nito.

Matatandaan na noong founding anniversary celebration ng Maynila noong nakaraang buwan, may kabuuang 576 na mga kawani sa city government ang binigyang-pagkilala para sa kanilang mahabang panahon ng serbisyo at ginawaran ng “City Service Loyalty Awards.”

Mismong ang alkalde ang nanguna at kumilala sa mga kawani na nakapag-serbisyo sa pamahalaang lungsod sa loob ng 25, 30, 35, 40 at 45 taon.

Tags:

You May Also Like

Most Read