Tiniyak ni Mayor Honey Lacuna na isa sa pangunahing polisiya ng pamahalaang- lungsod ng Maynila ay ang siguruhin ang kalusugan ng mga bata hanggang sa ika-1,000 araw nito mula sa araw ng kapanganakan.
Ang pagtiyak ay ginawa ni Lacuna nang pangunahan ang pagdiriwang sa lungsod ng National Children’s Month nitong Lunes, kasama sina Manila Social Welfare Department chief Re Fugoso, Vice Mayor Yul Servo-Nieto, Manila Health Department chief Dr. Poks Pangan at City Treasurer Jasmin Talegon.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin rin ni Lacuna ang kahalagahan ng pagtataguyod at pagrespeto sa karapatan ng mga bata, kabilang na dito ang karapatang mahalin, suportahan ang kanilang mga pangarap at karapatan na sila ay mapangangalagaan nang wasto.
Bilang dagdag, sinabi pa ni Lacuna na ang potensyal ng mga bata ay dapat na mahulma nang husto at dapat silang mahalin nang buong puso at walang kapalit na kondisyon.
“Dito sa Maynila, walang naiiwan. Lahat kasama, lahat mahalaga. Maging ang mga bata ay kasama sa paninindigan nating ito sa pamamahala. Ito rin ang batayan ng mga inilalatag nating mga programa at proyekto para sa mga Batang Manilenyo,” pahayag ni Lacuna.
Ayon sa alkalde, ang iba’t-ibang sangay ng lokal na pamahalaan ay aktibong nakikilahok sa pagpapatupad ng mga programa at proyekto na tumutugon sa mga pangangailangan ng mga bata, partikular na pagdating sa kanilang kalusugan, kaalaman, pagsasanay, kapakanan at kaligtasan.
“Bahagi ng ating polisiya ang City Ordinance 8993 na nagbibigay kasiguruhan na mapapangalagaan ang kalusugan ng bawat sanggol sa unang isang libong araw nito mula pagkasilang. Ito ay ipinatutupad ng ating Manila Health Department (MHD) katuwang ang ating 44 na mga Health Centers at anim na mga ospital,” anang alkalde.
Batay sa rekord, sinabi ni Lacuna na mula Enero hanggang Setyembre 2023 lamang ay iniulat ni MHD chief Dr. Poks Pangan na may kabuuang 21,576 bata ang nabigyan na ng kumpletong bakuna.
Nasa 26,220 na mga bata naman na mula 12 hanggang 59-buwan ay nakatanggap na ng dalawang doses ng vitamin A capsule at deworming tablet.
Sinabi rin ng alkalde na tuloy-tuloy na nabibigyan ng micronutrient supplement ang mga buntis at mga bata, habang ang Human Milk Bank o storage para sa breast milk ay naitayo na sa Ospital ng Maynila, Justice Jose Abad Santos General Hospital at Gat Andres Bonifacio Medical Center.
Nagpapatuloy rin naman aniya maging ang Supplemental Feeding Program para sa mga buntis.