INIHAYAG ni Manila Mayor Honey Lacuna na ang “Kalinga sa Maynila” service fair sa linggong ito ay gaganapin sa Port Area sa November 13, 2024 (Miyerkules).
Sa nasabing aktibidad, gaya ng nakagawian, ang mga pangunahing serbisyo ng pamahalaang-lungsod ay regular na nag-iikot sa mga barangay sa pamamagitan ng ‘Kalinga’ kung saan bukod sa direkta ang pagbbigay ng serbisyo sa mga residente ay di na rin sila kailangang gumasos ng pamasahe at oras para magpunta sa Manila City Hall at makuha ang hangad na serbisyo.
Ngayong Miyerkules, ang ‘Kalinga’ service fair ay gaganapin sa Barangay 650 sa District 5, Railroad Drive, Port Area, Manila mula alas-2 hanggang 5 ng hapon.
Ang ganitong pagbababa ng mga serbisyo ng City Hall direkta sa mga barangay ay sinimulang gawin ng Lacuna administration pagkaupong-pagkaupo nito bilang alkalde noong 2022.
Sa pamamagitan ng kanyang lingguhang “Kalinga sa Maynila,” nagkakaroon ng pagkakataon ang mga residente na makadaupang palad hindi lamang ang alkalde kundi maging ang halos lahat ng opisyal ng lungsod ukol sa kanilang mga problema, katanungan, saloobin, reklamo at iba pang concerns.
Sa bawat ‘ugnayan’ ay naglalagay ng stalls sa labas ng pinagdarausan ng ‘Kalinga’ para magbigay ng iba’t-ibang uri ng pangunahing serbisyo na karaniwang ibinibigay ng lahat ng mga pangunahing departamento, kagawaran at tanggapan ng lungsod na siyang pinupuntahan ng mga tao sa Manila City Hall.
Ang “Kalinga sa Maynila” service caravan sa Port Area ay magkakaloob din ng mga pangunahing libreng serbisyo na kagaya ng ipinagkakaloob ng pamahalaang-lungsod sa tuwing may lingguhang ugnayan ito sa mga barangay.
Kabilang sa libreng serbisyo na ito ay ang mga sumusunod: medical consultation at mga basic na gamot, Philhealth profiling, blood typing, FBS (fasting blood sugar) at electro-cardiogram o ECG, na pawang ipinagkakaloob ng Manila Health Department sa ilalim ng pamumuno ni Dr. Poks Pangan.
Ang social welfare department ng lungsod sa ilalim ni Re Fugoso ay magkakaloob naman ng tulong sa ID application para sa solo parents, persons with disability (PWDs) at minors with disability (MWDs), pati na rin ng pagpapalit ng mga IDs at booklet renewal.
Ayon naman kay Office of Senior Citizens’ Affairs head Elinor Jacinto, nariyan ang OSCA para tulungan ang mga senior citizens sa kanilang payout inquiries, application at replacement bf IDs at booklets habang ang Civil Registry Office sa ilalim ni Encar Ocampo ay mag-a-assist sa lahat ng may tanong ukol sa birth, marriage at death certificates.
Samantala, magkakaroon din ang Public Employment Service Office (PES0) sa ilalim ni Fernan Bermejo ng job fair kung saan pwedeng mag-apply ang senior citizens at PWDs, habang ang Veterinary Inspection Board ay magbibigay rin ng libreng pet consultation, rabies vaccination at deworming.