Magandang balita para sa mga residente ng ika-limang distrito ng Maynila.
Inaanyayahan ni Mayor Honey Lacuna ang lahat ng taga-5th district ng Maynila na samantalahin ang mas pinalawak na libreng serbisyo ng kanyang flagship service program, “KALINGA SA MAYNILA: CITY HALL ON THE GO,” na gaganapin sa San Andres Bukid , Malate, Manila ngayong Biyernes, February 28, 2025.
Ayon kay Lacuna, gaganapin ang service fair mula alas- 7 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali sa Biyernes sa Mabuhay Street sa Brgy. 782 , San Andres Bukid.
“Ang mga serbisyo ng Manila City Hall, ngayon ay mas abot na ng lahat sa ating Kalinga sa Maynila: City Hall on the Go. Walang bayad at bukas para sa lahat ang service fair na ito. Kaya’t tara na at kita-kits sa Biyernes!,” ani Lacuna.
Nitong Miyerkules lamang, ang nasabing service fair ay ginawa na rin sa kanto ng Benita at Fernandez Streets sa ikalawang distrito ng Tondo.
Inihayag ni Lacuna na ang mga libreng serbisyo na available tuwing may fair ay kinabibilangan ng health and social welfare assistance; application para sa bago at replacement o renewal ng senior citizens’ ID, kasama na rin ang solo parents at persons with disability, civil registry, provision of jobs, medical check-up at maging pangangalaga sa mga alagang hayop katulad ng pagbabakuna.
Ang iba pang serbisyo na ipinagkakaloob nang libre ay dental extraction/fluoride services, reading glasses, medicines, massage, haircut at pati na ang TESDA training.