Sina Manila Mayor Honey Lacuna at actor Coco Martin sa premiere ng TV series na 'Batang Quiapo' na ginanap sa Plaza Miranda nitong Pebrero 13. (JERRY S. TAN)

KAHIT ANONG MAGPO-PROMOTE SA MAYNILA, WELCOME KAY MAYOR HONEY

Inihayag ni Manila Mayor Honey Lacuna na ‘welcome’ ang lahat ng uri ng show basta’t nagpo-promote ng Maynila.

Ang pahayag ay ginawa ni Lacuna nang siya ay dumalo sa ‘watch party’ ng official premiere ng television series na ‘”FPJ’s Batang Quiapo”.

Ang nasabing event ay ginawa sa Plaza Miranda, Quiapo nitong February 13. Ang unang episode ng serye ay ipinalabas sa malaking screen sa harap ng Quiapo Church.


Dumalo ang lead actor ng serye na si Coco Martin kasama ang kanyang mga co-stars sa watch party ng TV adaptation ng 1986 movie na pinagbidahan ng National Artist na si Fernando Poe, Jr.

Si Lacuna ay sinamahan nina Vice Mayor Yul Servo at actor-councilor Lou Veloso, at iba pa sa pagdalo sa nasabing premiere.


Ayon sa alkalde, kahit anong show na nagtataguyod o nagpo-promote sa Maynila ng maganda ay labis na pinasasalamatan ng lungsod.

Dagdag pa niya na ang naturang palabas ay aakit ng pansin kabilang na ng mga turista, lokal man o international.


Dahil maraming bibisita sa lungsod, lalakas ang mga tourists destinations pati na ang mga negosyo sa paligid at makakatulong ito sa paglago ng ekonomiya ng lungsod.

Sinusugan ni Manila third district Congressman Joel Chua, na ang hurisdiksyon bilang Kinatawan ay sumasakop din sa Quiapo, ang pahayag ni Lacuna. Sinabi nito na dahil ang shooting ay ginagawa sa Quiapo, ang negosyo sa nasabing lugar ay lumalakas kung saan ang nakikinabang ay ang mga residente at lungsod din mismo.

Kapwa nagpahayag ng pasasalamat sina Lacuna at Chua sa paggamit ng Quiapo sa nasabing teleserye.

Si Chua ay may panukalang batas sa Kamara na nagdedeklara sa Quiapo Church, Plaza Miranda, San Sebastian Church at Plaza del Carmen bilang National Heritage Zone. (JERRY S. TAN)

Tags: Manila Mayor Honey Lacuna at actor Coco Martin

You May Also Like