Ang tagapagsalita ni Mayor Honey Lacuna at hepe ng Manila Public Information Office na si Atty. Princess Abante sa MACHRA Balitaan kung saan sinabi niyang 'deserve' ni Lacuna ang ikalawang termino matapos lutasin lahat ng problemang iniwan ng dating administrasyon gaya ng P17.8 bilyong utang at mga nakatiwangwang na proyekto.

JAMPACKED PROCLAMATION RALLY NG ASENSO MANILENO, NAKATAKDA NGAYONG MARSO 28 SA SAMPALOC

By: Jerry S. Tan

ISANG ‘jampacked’ na proclamation rally na inaasahan ding magpapakita ng puwersa ng dominanteng ruling party sa Maynila, ang Asenso Manileno, ang nakatakdang idaos sa Biyernes ng gabi, Marso 28, 2025.

Kaugnay niyan y inaanyayahan ni Atty. Princess Abante, tagapagsalita ni Manila Mayor Honey Lacuna at hepe ng Manila Public Information Office (MPIO), ang publiko at ang media upang saksihan ang makasaysayang pagtitipon kung saan ang kauna-unahang babaeng alkalde ng kabisera ng bansa ay muling tatakbo para sa ikalawang termino, kasama rin ang kanyang incumbent vice mayor at ang majority ng mga Congressmen at Councilors ng Maynila.


Sa kanyang pagdalo bilang panauhin sa “MACHRA Balitaan” ng Manila City Hall Reporters’ Association, sinabi ni Abante na ang pagtitipon ay pangungunahan ni Lacuna at Vice Mayor Yul Servo. Ito ay gaganapin ganap na alas-6 ng gabi sa Earnshaw Street sa Sampaloc, kung saan nagsimula ang karera sa pulitika ni Lacuna bilang City Councilor ng Maynila mula 2004 hanggang 2013 at kung saan ay nagpakita siya ng kahusayan nang maging kauna-unahang babaeng majority floor leader hanggang sa pagiging unang babaeng Presiding Officer ng konseho nang maging kauna-unahan ding babaeng Vice Mayor ng Maynila.

Kasama din sa gaganaping proklamasyon ang lima sa sa anim na nakaupong Congressmen na piniling sumama kay Lacuna. Ito ay sina Congressman Rolan Valeriano (2nd district), Congressman Joel Chua (3rd district), Congressman Edward Maceda (4th district), Congressman Irwin Tieng (5th district) at Congressman Benny Abante, Jr. (6th district) at ang majority ng Manila councilors.

Ang nagbabalik na Congressman Manny Lopez, anak ni dating Mayor Mel Lopez, Jr. ang kandidato ng partido para Kinatawan sa unang distrito ng Maynila, habang hahalili naman si Dr. Giselle Maceda sa posisyong babakantehin ng kanyang mister na si Rep. Edward Maceda na matatapos na ang ikatlong termino bilang Congressman ng District 4.


Ayon kay Abante, sisimulan nina Lacuna kanilang kampanya sa pamamagitan ng banal na misa sa Bacood, Sta. Mesa na susundan ng house-to-house visit o pagbabahay-bahay ng alkalde, dahil mahalaga umano para sa alkalde ang pagkakaroon ng personal na interaksyon sa kanyang mga nasasakupan.

Patunay umano nito ang paglulunsad niya ng “Kalinga sa Maynila” program nang magsimula ang kanyang panunungkulan bilang Punong Ehekutibo ng Lungsod ng Maynila taong 2022. Ang nasabing programa ay lumalapag sa lahat ng barangay kung saan bitbit ng alkalde ang ang kanyang mga department heads upang personal na tumugon sa bawat saloobin, hinaing, suliranin, reklamo at mungkahi ng mga residente mismo.


Sa kabila nang sasabak na si Lacuna sa kampanya, tiniyak naman ni Abante na mananatiling prayoridad ng alkalde ang pangangasiwa sa lungsod.

Aniya, di na ito bago kay Lacuna dahil noong 2022 ay siya din ang nangasiwa sa buong lungsod habang nangangampanya ang dating alkalde noon na si Isko Moreno sa mga probinsiya dahil natakbo ito sa pagka-Presidente. Nagawa umano ito ni Lacuna habang natakbo din siya bilang alkalde ng lungsod.ay nangangampanya na sa mga probinsya.


“‘Wag natin kalimutan na noong 2022, si Mayor Honey bilang Vice Mayor ang siyang naging taumbahay sa Manila City Hall, dahil busy na si Isko sa pangangampanya sa mga probinsiya nun. Sa kabila niyan ay naalagaan nang husto ni Mayor Honey ang buong Maynila,” pagbibigay-diin ni Abante.

Ayon pa kay Abante, ‘deserved’ ni Lacuna o dapat lamang para sa kanya na magkaroon ng ikalawang termino bilang alkalde ng Maynila dahil ginugol niya ang kanyang unang termino sa pagpasan ng mabibigat na problemang iniwan sa kanya ni Moreno.

“Kabilang na dito ang pagbabayad ng P17.8 billion na utang, pagkukumpuni ng mga depektibong proyektong pabahay at pagtatapos ng mga proyektong sinimulan at iniwang nakatiwangwang lamang, mga proyektong pawang ginamit lamang umano ni Moreno para may mailagay sa kanyang polyetos bilang ‘accomplishments,” ani Abante.



Tags: Atty. Princess Abante

You May Also Like

Most Read