MAGANDANG balita para sa mga residente ng unang distrito ng Tondo sa Maynila.
Buong pagmamalaking inihayag ni Mayor Honey Lacuna na ang Gat Andres Bonifacio Medical Center (GABMC) na pinatatakbo ng lokal na pamahalaan ng Maynila ay nakakuha na ng ISO certification na aniya ay napaka-halagang hakbang para sa mahusay na operasyon ng ospital at ‘customer satisfation’ o kasiyahan ng mga pinasisilbihan nito.
Ang GABMC na pinamumunuan ni Dr. Ted Martin bilang hospital director ang siyang nagkakaloob ng mga pangangailangang medikal ng mga residente ng unang distrito ng Tondo .
“Ito ay patunay ng kanilang mataas na pamantayan sa kalidad ng serbisyo at pangangalaga sa kalusugan,” ani Lacuna, kasabay ng pagbibigay-papuri kay Dr. Martin at sa mga kawani nito, dahil sa kanilang kasipagan at dedikasyon na siyang nagbigay-daan para makuha nila ang nasabing ISO certification.
“Sa ilalim ng pamumuno ni Dr. Ted Martin, ang hepe ng GABMC, naging masigasig ang institusyon sa pagpapabuti ng mga proseso, pagsasanay ng mga tauhan, at pagpapatibay ng mga sistema na sumusunod sa international standards. Ang pagkakamit ng ISO certification ay nagsisilbing patunay ng dedikasyon ng ospital sa pagbibigay ng ligtas at dekalidad na serbisyo para sa bawat pasyente,” ani Lacuna.
Sinabi naman ni Dr. Martin na ang naturang accreditation ay di lamang isang karangalan para sa ospital dahil ito ay isang tagapag-paalala ng kanilang responsibilidad na paglingkuran ang komunidad ng Tondo nang may pinakamataas na antas ng kagalingan.
“Ang ISO certification ay isang hakbang patungo sa mas magandang bukas para sa ating mga pasyente, mga empleyado, at ang buong komunidad. Patuloy naming isusulong ang mga inisyatiba upang matiyak ang pinakamahusay na kalidad ng pangangalaga,” pahayag ni Dr. Martin.
Aniya, ang GABMC ay patuloy na magbigigay ng serbisyong may tunay na malasakit at pamumuno pagdating sa pangangalagang pangkalusugan, sa ilalim ng magaling na liderato ni Lacuna.
Tiwala umano si Lacuna na ang bagong karangalan na iginawad sa GABMC ay magisilbi bilang panibagong ‘milestone’ sa misyon ng ospital na makapagbigay ng pinakamahusay na serbisyong medikal sa lahat ng Manileño sa lahat ng oras, lalo na sa mga taga-Tondo kung saan naroon ang GABMC.
Anim ang ospital na pinatatakbo ng Maynila, isa para sa bawat distrito. Ang GABMC ay nasa distrito uno upang pagsilbihan ang mga mamamayan ng Tondo.