Si comebacking Tondo Congressman Manny Lopez (first district) habang may ipinupunto sa MACHRA Balitaan news forum. Kasama niya sa larawan sina (kaliwa) MACHRA president Itchie Cabayan at Vice President Andi Garcia. (JERRY S. TAN)

ISKO, TANGING MAYOR NA NAG-IWAN NG MALAKING UTANG SA MAYNILA: CONG. LOPEZ

By: Jerry S. Tan

Katangi-tanging alkalde sa kasaysayan ng Maynila na nag-iwan ng pinakamalaking utang sa lungsod at nagbenta ng patrimonial properties.

Ganito Ito ang naging banat ni comebacking Manila first district Congressman Manny Lopez kay dating Mayor Isko Moreno, sa kanyang pagdalo sa “MACHRA Balitaan” news forum ng Manila City Hall Reporters’ Association sa Harbor View Restaurant, sa Ermita, Manila nitong Huwebes.

Binigyang-diin ni Lopez na ang tunay na sukatan ng isang mahusay na lider at epektibong fiscal mayor ay nakasalalay sa kanyang resourcefulness o kagalingan sa paghahanap ng pondo at pagsinop ng mga buwis na nakukulekta ng lungsod.


Binanggit niya na ang kanyang amang si dating Mayor Mel Lopez, Jr., gayundin sina dating Mayor Fred Lim, Lito Atienza at Erap Estrada, ay pawang nag-iwan ng cash on hand, na nagamit ng susunod na administrasyon bilang paumpisang pondo.

Aniya, taliwas ito sa ginawa ni Moreno na P17.8 bilyong utang ang iniwanan, sanhi upang malagay sa masamang ‘financial situation’ ang Maynila.

“Dapat ang lider marunong maghanap ng pondo. Hindi ‘yung utang ang solusyon,” ani Lopez.

Kaugnay nito ay, pinuri ni Lopez ang pamunuan ni Mayor Honey Lacuna dahil sa pagiging resourceful at episyente sa fiscal management at tax collection, kung saan ay nagagawa pa nitong magampanan ang tungkulin sa mga mamamayan habang binabayaran nang unti-unti ang utang na iniwanan ni Moreno sa kabila ng kakulangan ng pondo.


“Ang pag-utang dapat ay base sa kakayahan, hindi ‘yung ibabaon mo ang kaban dahil taumbayan ang mahihirapan. Walang alkaldeng nag-iwan ng ganyang kalaking utang dahil inilalagay mo sa hindi magandang financial condition ang Maynila,” pagbibigay-diin ni Lopez.

Ukol naman sa pagbebenta ni Moreno ng mga patrimonial properties, sinabi ni Lopez na: “walang pag-aari ang Maynila na dapat ibenta. Instead, dapat ay mag-acquire kung magaling kang fiscal manager. Kung ako ama, bakit ko ibebenta ang naipundar kong bahay o lupa? Ngayon kung ang mentalidad mo ay sugarol, lahat talaga isusugal mo.”

Kumpiyansa si Lopez na mulat na ang mga mata ng Manilenyo at batid ang mga ginawa ni Moreno at naniniwala rin umano ang nagbabalik na Congressman na si Lacuna pa rin ang pinakamaayos at matinong lider na dapat mamuno sa Maynila.

Umanib umano siya kay Lacuna dahil pareho sila na tumatakbo sa ilalim ng platapormang ‘tapat at totoong pamumuno’ at tiwala umano siya na ang mga residente ng Tondo ay marunong at alam ang kanyang mga nagawa kumpara sa kanyang mga kalaban sa pulitika.


Habang abala umano ang kanyang mga kalaban sa pamumudmod ng pera, siya naman ay umaasa sa integridad at prinsipyo ng mga taga-Tondo na maaring tanggapin ang bigay pero boboto nang ayon sa konsesiya at kalidad ng kandidato.

“Pwede din naman ako magsinungaling o mambudol pero hindi ko ‘to gagawin dahil may pruweba ako ng nagawa at gagawin pa. Naniniwala ako na ang mga taga-Tondo ay may dangal at prinsipyo, higit sa ginto’t pilak, Kaya ipinagpapasa-Diyos ko ‘yan,” ani Lopez.

Tags: Manny Lopez

You May Also Like

Most Read