Rerespetuhin umano ni Aksyon Demokratiko standard bearer at Manila Mayor Isko Moreno anuman ang maging desisyon ng Iglesia ni Cristo (INC) pagdating sa kung sino ang ieendorso nito, kasabay ng panawagan sa mga INC members na sundin at dinggin ang pasya ng kanilang executive minister Ka Eduardo Manalo.
Sa isang ambush interview, sinabi ni Moreno na patuloy niyang rerespetuhin ang Simbahan, INC at iba pang mga sekta dahil sila ay pawa ding mga mamamayan at botante na aniya ay ‘entitled’ na makapamili kung sino ang iboboto nila.
“Ang importante sa akin, nagpapasalamat ako sa INC sa maraming pagkakataon na kasama ko Iglesia. Panawagan ko sa mga kapatid natin sa Iglesia, kung anuman ang magiging deisyon ng ating tagapamahalang pangkalahatan, ng Ka Eduardo, mga kapatid, sumunod kayo kasi ‘yun ang aral… kasi kailangan patuloy tayong sumunod sa mga aral at tagubilin ng taga-pamahala,” ani Moreno.
Dagdag pa ni Moreno: “Kailangan nilang sundin, ‘yan ang panawagan ko kasi diyan tumibay, lumaki at nakilala di lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo ang INC. Maniniwala ka ba na ang INC nasa Africa na? These are the things that you value. You value such leadership kaya sa mga kapatid nating Iglesia, sumunod po tayo sa tagubilin ng pangkakalahatang-tagapamahala Ka Eduardo.”
“Kung ano mapagkaisanan at mapagpasyahan, sundin natin, I will respect that with all honesty, with all my heart because at some point in my life, ako naman din ay itinaguyod ng mga kapatid natin sa Iglesia at binigyan din ako ng pagkakataon ng Ka Eduardo sa maraming laban ko sa buhay, so life must go on but we must continue to listen and heed the call of our pangkalahatang tagapamahala,” pahayag pa ni Moreno. (TSJ)














