MAY bagong segment na ipinakikilala sa ‘Capital Report’ ni Manila Mayor Honey Lacuna.
Ang bagong segment ay tinawag na ‘Inside Manila,’ at nagtatampok sa iba’t-ibang hepe ng departments, bureaus at offices ng City Hall na magbabahagi sa manonood ng mga nangyayari at kaganapan sa kani-kanilang tanggapan.
“Ito po ang aming paraan para ma-interview natin ang iba’t-ibang departamento sa ating pamahalaan at maibahagi po nila sa ating mga kababayan ang mga kaganapan sa ating lungsod na me koneksyon sa kanilang departamento,” paliwanag ni Lacuna.
Unang lumabas sa nasabing segment si Department of tourism, culture and the arts of Manila (DTCAM) Director Charlie ‘Mama Cha’ Dungo, kung saan ang tanggapan, ayon kay Lacuna ang siyang may pinakamaraming gawain at awards sa mga nakalipas na taon.
Sa kanyang bahagi ay binigyang kredito ni Dungo si Lacuna sa pagtaas sa DTCAM mula sa simpleng kawanihan hanggang sa pagiging isang departmento na nagbigay daan sa paglikha ng napakaraming programa at proyekto.
Sinabi ni Dungo na bilang Presiding Officer ng Manila Council sa panahon ni Mayor Isko Moreno, tumulong si Lacuna na maingat ang kategorya ng tourism bureau bilang departmento.
Dahil dito, sinabi ni Dungo na ang DTCAM ay hindi na basta nakaasa sa office of the mayor para sa mga pondo nito at sa halip ay nakakakilos na ito mag-isa, at nagiging mas mabilis na ang policy-making at formulation ng mga programa at promotion ng turismo sa lungsod.
Idinagdag pa niya na hindi lahat ng lungsod ay may tourism departments dahil karaniwan na itong nasa ilalim ng mayor’s office at ang iba pa nga ay walang plantilya ang mga tourism officers.
Ayon sa alkalde, ang dalawang taon at kalahating lockdown dahil sa pandemya ay ginamit ng lungsod upang makahanap ng mga lugar na maipo-promote para sa turismo.
“Napakagaganda ng mga programa at proyekto na laging inilalatag ng DTCAM and this is one way to prepare the city to promote other spots apart from the usual,” sabi pa ng alkalde.
Binanggit ni Lacuna na dahil ang Luneta at Intramuros ay nasa Maynila at nasa ilalim ng national government, nagiging limitado ang puwedeng gawin ng Maynila sa nasabing tourist spots.
Ang DTCAM ay may planong i- promote ang walong tourist hubs, na bumabagsak sa ilalim ng comprehensive tourism and development plan na ginawa ng departmento at bahagi ng master plan ng lungsod.
Kabilang sa hubs na ito ang Tondo na nasasakop ang Tondo Church, Divisoria business district, ang sikat na mga street foods at ang kwento ni Andres Bonifacio at ang Sampaloc area kung saan naroroon ang Univesrity of Santo Tomas (UST), ang oldest Catholic university sa bansa. (JERRY S. TAN)