Inihayag ni Manila Mayor Honey Lacuna na bukas para sa lahat ang housing program ng pamahalaang-lungsod basta’t kwalipikado sa lahat ng requirements na itinakda ng Manila Urban Settlements Office (MUSO) na pinamumunuan ni Atty. Danny de Guzman.
Ipinaliwanag ni Lacuna na ang mga kawani ng lungsod na na nauna nang nakakuha ng mga units sa pamamagitan ng parehas at patas na public raffle ay ang unang batch lamang ng mga beneficiaries.

Sa kanyang mensahe sa inagurasyon ng 20-storey San Sebastian Residences at San Sebastian Super Health Center, sinabi ni Lacuna na ang kanyang administration ay tumutugon sa pangarap ng lahat na magkaroon ng sarili nilang bahay at ito ang dahilan kung bakit niya iniutos ang pagbago sa dating polisiya ng lungsod na habambuhay na renta ang gagawin ng mga nakakakuha ng unit. Ngayon aniya, ay ‘rent to own’ na ang sistema kung saan ang mga nakatira ay may pagkakataon nang maging may-ari ng unit na tinitirhan kapag nabayaran na nila ang kabuuan ghalaga ng unit.
“Baka isipin ninyo, para sa empleyado lamang ito, hindi po. Ito po ay bukas sa lahat ng gustong magkaroon ng sariling tahanan. Welcome po kayo. Kailangan lang po ninyo na makipag-ugnayan sa MUSO at kung kayo ay maaring mabigyan, bakit hindi,” pahayag ni Lacuna.
Kasama ni Lacuna sa inagurasyon sina Vice Mayor Yul Servo, Congressman Joel Chua (3rd district), MUSO chief Danny de Guzman, City Engineer Moises Alcantara, third district Councilors Fa Fugoso, Maile Atienza at Jong Isip at candidates for Councilor Jeff Lau, president of the Manila Chinatown Barangay Organization (MCBO), Karen Alibarbar at Elmer Nacion, na pawang umalalay sa alkalde sa paggawad ng units sa mapapalad na kawani.
Pinasalamatan ni Lacuna si Congressman Chua na ayon sa kanya ay palagiang nagkakaloob ng buong suporta para sa nasabing proyekto, lalo na sa health center kung saan ang mga third district constituents ang inaasahang makikinabang para sa kanilang pangangailangang medikal.
Pinuri ni Lacuna ang mga tulong na palagiang ibinibigay ni Chua sa lungsod at sinabing marami ang magagawa kapag ang national at ang local governments ay nagsama at nagtutulungan.
Sa kanyang bahagi, pinuri din ni Chua si Lacuna sa inagurasyon ng nasabing housing projects na sunod-sunod at kumpleto pa sa health centers. Kamakalawa lamang nang buksan ni Lacuna ang Pedro Gil Residences kung saan matatagpuan din ang Pedro Gil Super Health Center.
Ayon kay Chua, malaking bahagi ang pagiging doktor ni Lacuna pagdating sa pagpapalakas ng primary health care system ng lungsod.
“The new health centers and health laboratory are important primary health care facilities with modern equipment and competent healthcare providers. The tertiary hospitals are the support system to the local facilities. Kapag mahusay ang primary system maiibsan ang siksikan sa mga tertiary facilities kung saan ginagamot ang mga mas kumplikadong health cases,” paliwanag ni Chua.
Nabatid na tatlong malaking ospital sa Maynila ang tumanggap ng kabuuang pinagsamang halaga mula sa 2025 national budget allocation na umaabot ng P305 million para sa equipment o infrastructure habang ang ilang public schools sa Maynila ay tumanggap ng combined total na P120 million para sa new school buildings ngayong 2025 at P240 million sa school buildings noong 2024. Ang mga ospital na ito ay ang Jose Reyes Memorial Medical Center, Tondo Medical Center at San Lazaro Hospital.
Napag-alaman kay Alcantara na ang San Sebastian Residences ay may 243 residential units, 57 parking slots, apat na elevator units, swimming pool, activity at outdoor areas, function room, fitness room admin office, roof deck at sewage treatment plant.