MULA sa dating polisiya na habambuhay magbabayad ang awardees ng housing unit pero di mapapasakanila ang titulo o pag-aari ng nasabing unit, ipinababago na ito ngayon ni Manila Mayor Honey Lacuna kung saan ang iiral na sistema ay ‘rent-to-own’ na, kung saan mapapasakanila na ang unit matapos mabayaran ang kabuuang halaga.
Sa kanyang mensahe sa inagurasyon ng Pedro Gil Residences, inanunsyo ni Lacuna na hiniling na niya sa Manila City Council sa pamumuno ni Vice Mayor Yul Servo at kay Manila Urban Settlements Office (MUSO) head Atty. Danny de Guzman na lumikha ng bagong sistema na ‘rent-to-own’ para sa housing units ng lungsod.

Matatandaan na sa ilalim ng dating administrasyon ni dating Mayor Isko Moreno, ang mga awardees ay pawang mga ‘assignees’ lamang na walang katapusang magbabayad buwan-buwan pero wal namang posibilidad na magiging kanila ang binabayarang unit pagdating ng araw.
Ini-award sa mga kawani ng Manila City Hall na napili sa pamamagitan ng public raffle. ang mga kauna-unahang rent-to-own, public low-cost na mga condo units. Napag-alaman na nasa pagitan ng P2,000 hanggang P3,000 kada buwan and kanilang babayaran at pagkatapos ng itinakdang panahon ng pagbabayad ng unit ay igagawad na sa kanila ang titulo ng condo unit para maging ganap nang kanila.
“Kung dati ay habang buhay kayong magbabayad ng renta, simula ngayon, ang inyong buwan-buwang hinuhulugan, hindi na po pawang renta lang habang buhay. Ito po ay magiging pabahay na rent-to-own,” pahayag ng alkalde.
Sinabi ni City Engineer Moises Alcantara na ang 20-storey condo building ay may 299 residential units, 143 parking slots, five commercial spaces, five elevator units, swimming pool, fitness room, function room, roof deck at parehong may indoor at outdoor activity areas.
Kasabay nito ay binuksan din sa publiko ang super health center sa nasabi ring gusali kasama si Congressman Irwin Tieng na nangako ng tulong sa pagbibigay ng mga kailangang medical equipments .
Agad na pinasalamatan ni Lacuna si Tieng sa kanyang buong suporta at sinabing walang imposible kung ang national government at local government ay nagtutulungan.
Ang nasabing public health center ay kumpleto at may libreng serbisyo tulad ng laboratory, ECG, ultrasound at portable x-ray, at iba pa. Mayroon ding silid para sa dental care at minor surgeries.
“Bilang isang doktor, prayoridad natin ang pangangalaga sa kalusugan ng ating mga kababayan. Ninais nating ayusin, palakasin at pag-ibayuhin ang mga serbisyo ng ating mga health centers, kabilang na nga itong Pedro Gil Health Center. Mas marami na itong serbisyong maibibigay sa atin tulad ng basic laboratory services, ecg at ultrasound sa mga buntis. Dito na makukuha ang maintenance medicines ng mga lolo at lola natin,” ani Lacuna.
“Maibibigay ng Pedro Gil Health Center ang epektibo at episyenteng pagpapatupad ng universal health care. Tiniyak din natin na mayroon itong License to Operate at ang disenyo ay naaayon sa pamantayan ng Department of Health para sa primary health care provider facility,”dagdag pa nito.