Si Mayor Honey Lacuna habang pinasasalamatan ng na-awardan ng housing unit na galing sa pamahalaang-lungsod, habang kasama sa larawan sina (kaliwa) MUSO chief Atty. Danny de Guzman at Vice Mayor Yul Servo. (JERRY S. TAN)

‘HOUSING BACKLOG’, PAMIMIGAY NG LUPA SA MANILENYO, PINATUTUTUKAN NI MAYOR HONEY

By: Jerry S. Tan

INATASAN ni Mayor Honey Lacuna si Manila Urban Settlements Office chief Atty. Danny de Guzman na patuloy na tugunan ang ‘backlog’ o kakulangan ng lungsod pagdating sa housing, kasabay ng pag-aanunsyo na marami pang ‘landless’ o walang lupang residente ng lungsod ang tatanggap ng titulo sa mga darating na araw.

“Sa kabila ng dagok na kinahaharap ng ating lungsod pagdating sa budget, ang MUSO po ay patuloy na nagtatrabaho nang todo upang matugunan ang ating housing backlog.,” ani Lacuna, kasabay ng panawagan sa mga taga-lungsod na unawain at patuloy na suportahan ang katuparan ng mga programa ng kanyang admininistrasyon.


Ito ang pahayag ng alkalde matapos na katawanin siya ni Vice Mayor Yul Servo sa paga-award ng 171 na mga lote sa ilalim ng Land for the Landless Program (LLP) ng pamahalaang- lungsod.

Si Lacuna ay dumalo sa 2025 Open Government Partnership Asia and the Pacific Regional Meeting (OGP-APRM) sa pangunguna ni President Ferdinand Marcos, Jr.

Sa nasabing LLP awarding, ang mga napagkalooban ng lote ay ang mga sumusunod: third district – 20 awardees;second district – 13 awardees; fifth district – 132 awardees at sixth district – six awardees.


“Gaya ng lagi kong sinasabi, patuloy po nating isinusulong ang programang ito upang mas maraming Manileño ang magkaroon ng seguridad sa paninirahan,” pagtitiyak ni Lacuna.

Sa ilalim ng LLP, ang mga residente na hindi pagmamay-ari ang lupang kinatitirikan ng kanilang bahay at matagal nang nakatira doon ay binibigyan ng pagkakataon na maging may-ari ng nasabing lote.


Samantala, sinabi ni Lacuna na isang karangalang makasama niya sina President Marcos, Jr. at Budget Secretary Amenah Pangandaman sa OGP-APRM, isang pagtitipon kung saan nagsama-sama ang mga government reformers, civil society leaders at policy-makers mula Asia at Pacific, kasama ang mga global at regional partners, upang pag-usapan ang progreso ng mga pangunahing government initiatives at humanap ng paraan kung paano tutugunan ang pinakamahalagang usapin sa rehiyon.

“Dumalo po tayo rito upang pag-aralan kung paano pa mas mapapalakas ang partisipasyon ng Maynila sa mga OGP LGU projects. Ito po ang susunod na hakbang matapos nating makamit ang Seal of Good Local Governance Award noong nakaraang taon,” ani Lacuna.


Tiwala umano ang alkalde sa kakayanan ng Maynila na maging isang modelong lungsod pagdating sa transparency, citizen participation at digital innovation.

“Lalo na ngayon na tayo ay kinikilala na bilang Plastic Smart City, Pangalawang Pinakamataas na Kompetitibong Lungsod sa bansa at may P3 bilyong budget surplus noong 2023. Patunay po ang mga pagkilala na ‘yan na may matibay na tayong pundasyon. Kailangan na lang nating palaguin pa ito sa pamamagitan ng mga OGP LGU projects,” pahayag ni Lacuna.



Tags: Manila Mayor Honey Lacuna at actor Coco Martin

You May Also Like