Latest News

Sina Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo sa nag-uumapaw na convention ng Asenso Manileño sa San Andres Sports Complex. (JERRY S. TAN)

HONEY-YUL TANDEM, ITINUTULAK ANG LIDERATONG HINDI PANSARILI O NAGWAWATAK-WATAK

By: Jerry S. Tan

“MGA kasama, ipakita natin na ang tunay na liderato ay hindi mapangsarili….nagkakapit-bisig at ini-aangat ang bawat kasama. Patunayan natin na ang tunay na lakas ng liderato, ay hindi bunga ng pagkakawatak-watak ng pamilya at kaibigan, kundi sa pagkakaisa.”

Madamdaming nagyakap sina Mayor Honey Lacuna at ang kanyang ina na si Inday bago mag-speech ang alkalde sa Asenso Manileño convention. (JERRY S. TAN)

Ito ang naninindigang sinabi ni Manila Mayor Honey Lacuna nang tanggapin ang suporta ng Asenso Manileño, na siyang ruling local party sa Maynila, upang tumakbong muli sa pagka-alkalde ng lungsod sa halalan sa susunod na taon, kasama si Vice Mayor Yul Servo muli bilang kanyang bise-alkalde.

“Mga kasama, ipakita natin na ang tunay na liderato ay hindi mapangsarili….nagkakapit-bisig at ini-aangat ang bawat kasama. Patunayan natin na ang tunay na lakas ng liderato, ay hindi bunga ng pagkakawatak-watak ng pamilya at kaibigan, kundi sa pagkakaisa,” aniya.


Dagdag pa ng alkalde sa idinaos ng convention ng Asenso Manileño, “Sa ngalan ng bawat Manilenyong patuloy na umaasa sa pangako ng ating lungsod; kasama po ni Vice mayor Yul Servo, buong karangalan at kababaang-loob na tinatanggap ko ang inyong muling pagsuporta sa akin, bilang Punong-Lungsod ng minamahal nating Maynila!”

Kasabay nito ay ipinagmalaki rin ni Lacuna na ang kanyang mga accomplishments sa kanyang unang termino bilang alkalde ng Maynila ay nagawa niya sa tulong ng lahat city officials, employees, Congressmen, City Councilors, taxpayers at maging ng mga residente.


Ani Lacuna: “Ipinagmamalaki ko na ang lahat ng ating nagawa para sa ating lungsod, ay kasama kayo. Hindi ko aakuin anumang tagumpay ang nararanasan natin ngayon. Kung ano ang mukha ng Maynila ngayon, ay hindi lamang dahil sa akin, kundi dahil sa ambag ng bawat isa sa inyo sa ating lungsod at sa buhay ng mga mamamayan nito.”

Tiniyak ng alkalde na kahit hindi perpekto ang kanyang administrasyon, ang landas namang tinatahak ng Asenso Manileño team ay yaong base sa ‘tama at totoo.’


Pinasalamatan rin niya ang mga party stalwarts na patuloy na sumusuporta sa kaniya: “Kay Congressman Manny Lopez, Congressman Rolan Valeriano, Congressman Joel Chua, Congressman Edward Maceda, Congressman Irwin Tieng, at Congressman Benny Abante, sa ating mga konsehal at ka partido na patuloy na naninindigan, Mga kapatid, salamat sa inyong pagtitiwala sa pamilyang Asenso Manileño.”

Sa kanyang mensahe, kumpiyansa naman si Servo na ang kanilang tambalan ni Lacuna ang siyang mananaig sa nalalapit na halalan, dahil sa kanilang mga accomplishments at consistency.

Naniniwala rin si Servo na ang pipiliin at gagawing prayoridad ng mga Manilenyo ay ang pinakamahusay para sa lungsod at sa kapakanan ng mga residente nito kaya’t pagtitiwalaan ng mga taga-Maynila ang kanilang pamumuno.

“Ang aking hiling sa bawat isa na naririto sa pagtugon sa hamon na ito ay tingnan natin ang bawat isa nang may kalinga, lumaban nang may disiplina, mangibabaw nang may respeto, gumamit ng tapang nang mau pang-unawa, kumilos nang may kasipagan na tila martsa ng isang ina,” ani Servo.

Dagdag pa nito: “Para kay Ate Honey, alam kong hindi mo istilo ang kamera pero ito na ang panahon para makita ng bawat Manileño at mga Pilipino ang katotohanan ng iyong paglilingkod para sa ating minamahal na bayan.”

Tags: Mayor Honey Lacuna, Vice Mayor Yul Servo

You May Also Like