IPINAG-UTOS ni Mayor Honey Lacuna ang pagpapatupad ng magkahiwalay na liquor ban sa Maynila, isa kaugnay ng pagsasagawa ng Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa October 30 at muli bilang paggunita sa All Saints’ Day at All Souls’ Day.
Ayon sa tagapagsalita ni Lacuna na si Atty. Princess Abante, ang alkalde ay naglabas ng dalawang executive orders, 34A at 34B para sa nasabing pagbabawal.
Ipinaliwanag ni Abante na ang EO 34A ay nagpapatupad ng city-wide liquor ban para sa BSKE mula October 29 hanggang October 30, 2023.
Sa kabilang banda, ang ang EO 34B ay magpapatupad ng liquor ban sa November 1 at 2, sa mga lugar na may layong 500 meter-radius mula sa lahat ng sementeryo sa Maynila.
Ipinagbabawal ng mga EO ang pagbebenta, pagkonsumo ng lahat ng alcoholic beverages sa lahat ng sementeryo, maging pribado man o publiko.
Ayon kay Abante, ang nasabing paglabag ay itinuturing na election offense sa ilalim ng Omnibus Election Code at may kaparusahang pagkakakulong nang mula isa hanggang anim na taon.
Nanawagan si Lacuna sa mga residente na sundin ang nasabing pagbabawal sa halip na mag-bakasakali at mahuli omagmulta para sa nasabing paglabag.














