Latest News

Si Mayor Honey Lacuna habang nagtatalumpati sa Ika-143 Anibersaryo ng Kagitingan sa Bangkusay na ginanap sa Tondo, Maynila.

‘HISTORICAL MARKERS’ PARA SA MGA BAYANI NG MAYNILA, HILING NI MAYOR HONEY SA NHCP

By: Jerry S. Tan

Hiniling ni Mayor Honey Lacuna sa National Historical Commission of the Philippines (NHCP) na maglagay pa ng mas maraming ‘historical markers’ sa Maynila, bilang pagkilala at pagpaparangal sa lahat ng bayani na may malaking kontribusyon sa mayaman at makulay na kasaysayan ng lungsod.

Kasama ang mga opisyal ng lungsod, nagpakuha sina Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo (gitna) ng posterity shot sa anniversary celebration ng “Battle for Bangkusay” na ginanap sa Tondo, Maynila nitong Lunes ng umaga.

Sa kanyang mensahe sa ginanap na ‘Ika-143 Anibersaryo ng Kagitingan sa Bangkusay’, pinasalamatan rin ni Lacuna ang NHCP, sa pangunguna ng Pangulon nitong si Liza Guerrero-Nakpil, dahil sa paglalagay ng historical marker sa Plaza Moriones, may tatlong taon na ang nakararaan.


“Maaring 453 taon na ang nakakalipas ngunit ako ay naniniwala na itong panandang kasaysayan na ito ay di kailanman maiiwan ng panahon, dahil walang pinipiling oras ang pagbigay-pugay sa mga kababayang inuna ang bayan bago ang sarili,” ayon sa alkalde.

Pinasalamatan rin ni Lacuna ang mga nakiisa sa selebrasyon kabilang na sina Manila Congressman Ernix Dionisio ng Unang Distrito; Hagonoy, Bulacan Mayor Flordeliza Manlapaz at Macabebe, Pampanga Vice Mayor Vince Edward Flores; Provincial Tourism Officers ng Pampanga at Bulacan; Director ng Holy Angel University-Center for Kapampangan Studies; Manila Vice Mayor Yul Servo, City Councilors at mga barangay officials.

Ayon kay Lacuna, “Nandito tayo sa Plaza Moriones, ang sentro ng distrito ng Tondo, kung saan ang mga mamamayan ay may likas na galing, sipag at tyaga, mga mamayang masikap, at may malasakit sa kapwa, lalong lalo na sa ating bansa. Ang Tondo ay di lamang po lunan ng daungan ng mga sasakyang pangdagat, lugar din ito kung saan abala ang mga tao sa pakipipagkalakalan at negosyo. Dito ay ating masisilayan ang mga masisipag na manilenyong handang magbanat ng buto upang matugunan ang pang araw-araw na pangangailangan ng pamilya.”


Samantala, hinikayat rin naman ni Lacuna sa mga Manilenyo na balikan, unawain at pahalagahan ang mga naging kaganapan sa lungsod noon.

Aniya, “Kasabay ng iba’t ibang kaganapan, kasiyahan, pagtitipon, at iba pang mga pagdiriwang, magkaroon din sana tayo ng pagkakataon upang pag-isipan, balikan, at unawaing mabuti ang kahulugan ng mga nangyari noon na siyang nagdala sa atin sa ngayon at maghahatid sa atin sa kinabukasan. Magsilbing aral sa atin ang mga naganap sa nakaraan at gamitin nating inspirasyon sa pagharap natin sa mga susunod na panahon, lalo na sa paglalayon nating makamit ang ganap na malaya, masigla, maunlad na lungsod at bansa.”


Samantala, nanawagan din si Lacuna sa NHCP na maglagay ng mas maraming markers na magbibigay dangal kina Raha Soliman, Raha Matanda, Lakan Dula at iba pa dahil kung ang lungsod ay may monumento bilang pagbibigay-dangal kay Miguel Lopez de Legazpi, dapat ay may ganitong monumento rin si Raha Matanda.

Binigyang-diin pa ng alkalde na habang ang lungsod ay nagdiriwang ng mayamang kasaysayan ng Maynila at Tondo, nababagay din na bigyang-pagdangall at pagkilala sina Raha Soliman at Lakan Dula sa pamamagitan ng paglalagay ng historical markers para sa kanila.


“Ngayon na po ang tamang panahon upang sila ay bigyan natin ng panandang pangkasaysayan, dahil ito din ang panahon kung saan tayo ay mahigpit ang pangangailan sa mga karagdagang bukal ng inspirasyon na magsusulong pa ng ating mga adhikain para sa malasakit at pagmamahal sa ating inang bayan,” dagdag pa ni Lacuna.

Tags: Mayor Honey Lacuna

You May Also Like

Most Read