Mahigit sa 3,000 residente ng Maynila na dumaranas ng iba’t-ibang malalang karamdaman ang pinagkalooban ng tulong-pinansiyal ni Manila Mayor Honey Lacuna mula nang maupo ito bilang alkalde noong 2022.
Ang pagbibigay ng ayuda ay isinagawa ni Lacuna sa kanyang ‘People’s Day’ na regular niyang idinaraos sa city hall.
Karamihan sa mga tumanggap ng tulong pinansiyal mula sa alkalde ay mga indibidwal na may sakit na cancer o di kaya ay sumasailalim sa dialysis treatments.
Ayon kay Lacuna, bagamat maliit lamang ang halagang naipagkakaloob sa mga may sakit na residente at hindi sasapat hanggang sa dulo, inaasahan naman nilang kahit paano ay makatutulong ito upang mapagaan ang gastusin nila para sa kinakailangang laboratoryo at iba pang medical tests.
Bilang karagdagan sa mga natutulungan ng’People’s Day’ ay idinaraos din ni Lacuna ang ‘Kalinga sa Maynila’ program, kung saan nagtutungo ang alkalde at mga opisyal ng City Hall sa mga barangay sa lungsod upang ilapit sa mga residente ang serbisyo ng pamahalaang-lungsod.
Matapos ang bawat programa, si Lacuna, kasama si Vice Mayor Yul Servo, ay personal na nagtutungo sa tahanan ng mga bed-ridden na residente, upang alamin ang kalagayan ng mga ito at pagkalooban sila ng kinakailangang tulong.
Personal ring tinitingnan ni Lacuna, na isa ring doktor, ang medical condition ng bawat residenteng kanyang binibisita upang matukoy ang partikular na tulong na kailangan ng mga ito.
Bukod dito ay binibisita rin ng alkalde ang tahanan ng mga centenarians sa Maynila upang personal na iabot sa kanila ang tsekeng nagkakahalaga ng P100,000, na insentibo mula sa lokal na pamahalaan para sa mga residenteng umaabot ng 100-taong gulang.