Inihayag ni Manila City Administrator Bernie Ang na umaasa siyang tutularan ng kasalukuyang administrasyon ang mga hakbang na ginawa ni dating First Lady Imelda Marcos upang mailagay ang Manila Chinatown sa estado na ‘must-see destination’ para sa mga banyagang turista. kasabay ng anunsiyo na walang liquor ban na ipatutupad kaugnay ng pagdidriwan ng Chinese New Year.
Sa kanyang pagdalo bilang guest sa ‘Balitaan sa Harbor View’ ng Manila City Hall Reporters’ Association (MACHRA), sinabi rin ni Ang na bagama’ t ang Chinatown activities na may kinalaman sa Chinese New Year’s eve countdown at sa mismong araw ng Chinese New Year ay inaasahang lalahukan at dadayuhin ng milyong katao, wala umanong partikular na paghihigpit gaya ng ginawa sa ‘Traslacion,’ dahil ang pagdiriwang sa Chinatown ay ibang uri naman ng aktibidad kung saan ang mga tao ay ‘come and go.’
Napag-alaman kay Ang, na kasama ring dumalo sa forum sina Manila Chinatown Development Council executive director Willord Chua at Manila Chinatown Barangay Organization president barangay chairman Jefferson Lau, na humingi na ang pamahalaang-lungsod ng Maynila sa Manila Police District (MPD) ng full security para sa Chinatown area mula February 8 hanggang 11, 2024 dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga tao lalo na sa February 9 at February 10.
Sinabi ni Chua na may mga aktibidad na sabay-sabay gagawin sa iba;t-ibang bahagi ng Chinatown na katatampukan din ng Chinese cultural show na gaganapin sa Plaza San Lorenzo Ruiz.
Sa kanyang banda, sinabi ni Lau na matapos pangunahan ni Mayor Honey Lacuna ang pagpapailaw ng malaking ‘Money Tree’ sa nasabing plaza bilang pagsisimula ng mga aktibidad para sa Chinese New Year ay lagi nang puno ng tao ang Binondo at maging sa gabi umano ay traffic na sa nasabing area.
Samantala, binanggit ni Ang na noong si dating First Lady Marcos ay governor ng Metro Manila Commission, naglabas ito ng kautusan kung saan obligado o ‘compulsory’ para sa mga banyagang turista na bumisita sa Chinatown area sa Binondo, sa paglalayong itaguyod ang naturang lugar bilang isang pangunahing tourist destination.
Ayon kay Ang, pareho ang uri ng pagsisikap ni Mayor Lacuna na pagandahin ang Chinatown area upang makaakit ng mas maraming turista na magbubunga naman ng mas maraming tabaho.
Batay umano sa records ng tourism department, sinabi ni Ang na bawat isang turista ay gumagastos ng $1,000 at ang bawat ginastos ay lumilikha naman ng dalawang trabaho, direct man o indirect.
“Imagine if we have more tourists, then we’ll have more jobs and income for the city,” pahayag ni Ang.
Napag-alaman din kay Ang na si dating First Lady Imelda Marcos ang orihinal na lumikha ng Manila Chinatown Development Council na muli na lamang binuhay ng lokal na pamahalaan.
Samantala, sinabi ni Ang na ang atas ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. na nagdedeklara sa February 10 bilang holiday ay lubos ikinatuwa di lamang ng Chinese-Filipino community kundi ng buong lungsod, dahil mabibigyan sila ng libreng oras upang makilahok sa mga aktibidad ng pagdiriwang sa Binondo.
“This year’s celebration will be more spectacular and the Chinese New Year revelry will be more significant as the country ushers the entry of the ‘Year of the Wooden Dragon,’ saying the dragon is the highest -ranked among the 12 zodiac signs,” ayon pa kay Ang.
Aniya, ang mga nakalinyang aktibidad ay magtatapos sa Manila Chinatown anniversary sa March 29, 2024.