Ito ang pagsasalarawang isinagawa ni Mayor Honey Lacuna sa kung paano naresolba ang suliranin sa pagitan ng Manila local government unit (LGU) at Metro Manila Development Authority (MMDA), kaugnay ng clearing operations sa mga kalye na nasa ilalim ng hurisdiksyon ng LGU na naging mainit na usapin kamakailan lamang.
Ayon kay Lacuna isang ‘welcome development’ ang pagkakasundo ng dalawang panig at pinasasalamatan umano niya si third district Representative Joel Chua, kung saan ang mabilis na aksyon, kasama si Rep. Rolan Valeriano (2nd district), ay nauwi sa pagkakalutas ng nasabing isyu.
Matatandaang umabot ang usapin sa pananawagan ni Rep. Chua na buwagin na lamang ang MMDA dahil sa panghihimasok nito sa hurisdiksyon ng lungsod.
Sa kanyang pagdalo sa “MACHRA’s Balitaan sa Harbour View” ng Manila City Hall Reporters’ Association, kinumpirma ni Chua na naresolba na ang kaguluhan nang kilalanin ng MMDA ang kapangyarihan ng Manila LGU at kung hanggang saan nagtatapos ang awtoridad ng MMDA.
Bago niyan ay pinalagan ni Chua, na isa ring abogado, ang MMDA nang magsagawa ng clearing operations kahit sa mga lugar na hindi naman kabilang sa ‘Mabuhay Lanes.’
Matatandaan na si Chua kasama si Rep. Valeriano ay sumugod pa upang ayudahan ang mga nagrereklamong barangay officials at residente ng Fugoso at Natividad Streets sa third district, matapos na magsagawa ang MMDA ng clearing operations sa nasabing lugar kung saan maging ang mga scaffoldings, pati na mga motor ng Grab delivery service ay pinagkukumpiska.
Nag-viral ang nasabing insidente na sinundan ng Congressional hearing kung saan bunsod ng mga pag-uusap, ang MMDA at ang city government ay nagkasundo ukol sa mga lugar na sakop ng kani-kaniyang hurisdiksyon.
Ayon kay Chua, maliwanag na ang mandato ng MMDA ay bilang isang coordinating body lamang habang ang Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) na nagsasagawa din ng clearing operations, ay direkta namang nagmumula ang kapangyarihan sa LGU. (JERRY S. TAN)














