NAGSAGAWA NG groundbreaking ang lokal na pamahalaang Maynila para sa pagtatayo ng pinakamalaking LGU pharmacy warehouse sa lungsod.
Pinasalamatan ni Mayor Honey Lacuna si Congressman Benny Abante, Jr. (6th District) sa kanyang ginagawang pagtulong sa kanyang administrasyon na nasasadlak ngayon sa utang na P17.8 billion na iniwan ni ex-mayor Isko Moreno.
Ayon sa alkalde, ang partnership ng kanyang administrasyon at tanggapan ni Rep. Abante, kasama ang Department of Health (DOH), ay naglalayong magtatag ng pinakamalaking bodega ng gamot para magamit ng lokal na pamahalaan sa mga proyektong nagbibigay prayoridad sa health care.
Kasama nina Lacuna at Abante, Jr. sina DOH Usec. Dr. Emmie Liza Perez-Chiong at Manila City Health Officer Dr. Arnold Pangan sa groundbreaking ceremony sa Isidro Mendoza Health Center construction site sa Pandacan.
“Aside from the initiation of the construction of the pharmacy warehouse, the construction of the newly improved Isidro Mendoza Health Center is another much awaited feat, with the completion expected around April 2025. Mas palalakasin pa po natin ang serbisyong pangkalusugan sa Maynila” pagtitiyak pa ng alkalde.
Bilang isang doktor, sinabi ni Lacuna na naiintindihan niya ang pangangailangan ng mga residente sa mura at accessible na mga gamot.
“Malaking bagay po sa akin ang usaping kalusugan kaya masaya akong ibalita na sinimulan na natin ngayong araw ang pagtatatag ng pinakamalaking pharmacy warehouse ng lungsod. Maraming salamat po kay Cong. Benny Abante Jr. at sa Department of Health sa kanilang suporta para maisakatuparan ito,” ani Lacuna.
Idinagdag pa ng alkalde na : “Kasabay nito, patuloy rin nating inaayos ang Isidro Mendoza Health Center para mas mapaglingkuran ang ating mga kababayan. Target natin itong matapos sa Abril 2025. Hindi natin ito magagawa nang mag-isa, pero basta sama-sama, kaya nating siguraduhin na walang Manileñong mapag-iiwanan pagdating sa kalusugan.”














